Ni: Mike U. Crismundo

BUTUAN CITY - Nababahala ang mga opisyal ng Surigao del Sur sa nalalapit na pagsasara ng banana plantation company na magreresulta sa pagkawala ng trabaho ng mahigit 1,000 katao.

Ang mga trabahador ng Dole Philippines-Stanfilco ay nakatalaga sa taniman ng mga saging sa mga munisipalidad ng Tago, Tagbina at Barobo sa probinsiya.

Ang sunud-sunod na pagsira ng New People’s Army (NPA) sa mga taniman at kagamitan ng plantasyon ang dahilan ng nakatakdang paghinto ng operasyon ng multinational banana firm.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

“We are very much concerned of this plan by the company to shut down because many workers will be displaced and thousands of their dependents might also be affected,” sabi ni Surgao del Sur 2nd District Rep. Johnny T. Pimentel sa press forum kamakailan.

Hindi pa batid ng kongresista ang eksaktong araw ng pagsasara ng plantasyon, ngunit mangyayari, aniya, ito “anytime”.

Nagbabalak umanong magsagawa ng pagpupulong ang gobyerno ng nasabing probinsiya kasama ang pamunuan ng nasabing banana company, mga opisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP), pulisya, at iba pang ahensiyang konektado rito upang masolusyunan ang problema.

Noong nakaraang taon pa nakiusap si Pimentel sa pamunuan ng kumpanya na ikonsidera ang desisyon ng mga ito dahil marami umanong manggagawa ang maaapektuhan sa pagsasara ng plantasyon.