SISIMULAN ng Team Philippines ang kampanya sa 2017 Southeast Asian Games sa pagsabak ng men’s under-22 Azkals at Malditas football team –apat na araw bago ang opening ceremony sa Sabado (Agosto 19) sa Shah Alam Stadium sa Kuala Lumpur, Malaysia.

Haharapin ng Azkals ang Cambodia nitong Martes ganap na 8:45 ng gabi sa Selayang Stadium, habang sasagupain ng Malditas ang host Malaysia sa Uitm Shah Alam Stadium sa kaparehong oras.

Kasama ng Philippine men’s team sa Group B ang Southeast Asian powerhouse at defending champion Thailand, Vietnam, Indonesia, at Timor Leste.

Kumpiyansa si head coach Marlon Maro na makakaagapay ang Azkals sa semifinals bunsod na rin sa naging preparasyon ng koponan.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

“Compared to the last SEA Games, this team is well-prepared,” pahayag ni Maro sa panayam sa ginawang send-off para sa delegasyon nitong Huwebes.

Pangungunahan ang koponan nina team captain Ian Clarino ng University of the Philippines, UAAP Season 79 MVP Jarvey Gayoso ng Ateneo, UAAP Season 78 MVP Daniel Gadia, at PFL booters Dylan De Bruycker at Richard Talaroc ng Davao Aguilas, gayundin sina Ace Villanueva ng Meralco Manila, at Josh Grommen ng Ceres Negros.

“Sa ngayon, well-prepared ‘yung team. The team is strong, healthy, and excited to play the game. A year ago, we have been preparing but ‘yung formal preparation, na-buo ‘yung team June,” pahayag ni Maro.

Higit namang kaaabangan ang Malditas, sasabak mula sa matagumpay na kampanya kung saan nagawa nilang mag-kwalipika para sa 2018 AFC Women’s Cup. Sa kabila ng pagkawala sa injuries nina Fil-foreign players Maeva Collatos, Isabela Mahoney, at Jesse Shugg, matatag ang fighting spirits ng Malditas.

Umaasa ang team officials na mapagbibigyan ang kanilang request na magpalit ng players sa gaganaping managers’ meeting bago ang laro.

“Ang sure is 15 pero we are hoping na ‘yung replacement of players will be approved,” pahayag ni coach Let Dimzon.