NAKITA sa isang television screen sa isang istasyon ng tren sa Seoul, South Korea sa unang bahagi ng nakalipas na linggo ang isang mapa ng linya mula sa timog-silangan ng North Korea, may 3,500 kilometro sa Guam, sa kanlurang Dagat Pasipiko. Kaugnay ito ng plano ng North Korea na tumbukin ng apat nitong test missiles ang lupaing malapit sa teritoryo ng Amerika, ang Guam.
Ito ang huling kabanata sa lumulubhang pagpapalitan ng banta ng North Korea at Amerika. Sa katatapos na pagtitipon ng mga ASEAN foreign minister sa Maynila, nakipagpulong si US Secretary of State Rex Tillerson sa mga foreign minister ng China at Russia upang hingiin ang tulong ng mga ito na mapigilan ang North Korea na paulit-ulit na nagbanta ng pag-atake ng nuclear missile sa Amerika. Nakisali na rin si US President Donald Trump at nagbantang magdudulot ng “fire and fury like the world has never seen.”
Dito na nagpahayag ang commander ng missile forces ng North Korea na imposible na ang payapang dayalogo sa naging banta ni Trump. Inihayag niya ang plano ng North laban sa Guam na isusumite sa kanilang pinuno na si Kim Jong-Un upang magpakawala ng apat na missile patungong Guam, dadaan sa katimugang Japan, na may layong 3,500 kilometro at tinatayang babagsak sa karagatan may 30 kilometro lamang mula sa Guam.
Nasa Guam ang dalawang base militar ng Amerika na nagkakanlong sa mga long-range bomber at mga fighter jet at ilang submarine. Layunin ng bantang apat na missile na tuklasin ang kahinaan ng nasabing base militar ng Amerika. Mistulang walang balak na magpadaig ang North Korea sa banta ng Amerika, o urungan ang mga economic sanction na ipinag-utos ng United Nations Security Council na magbabawas ng $1 billion sa kinikita ng North Korea sa pagluluwas ng mga produkto.
Ipinakita sa mapa sa istasyon ng tren sa South Korea ang 3,500 kilometrong distansiya ng North Korea sa Guam at makikita rin doon ang Pilipinas sa kaliwang bahagi ng Guam. Mas malapit pa tayo sa North Korea—nasa 3,000 kilometro lamang ang layo sa atin. Sakaling sumiklab ang digmaan, madali lamang tayong matutumbok ng mga missile ng North Korea.
Sa ngayon, masasabing palitan ng banta lamang ang nangyayari, ngunit nariyan ang pangambang magkamali ng pagtantya ang alinmang panig na maaaring magdulot ng matinding trahedya hindi lamang sa dalawang magkaaway na bansa kundi maging sa mga kalapit-bansa ng mga ito. Mapupuruhan ang South Korea sa anumang pag-atake mula sa North. Mariin nang kinondena ng Japan ang missile testing dahil bumabagsak sa karagatan ng Japan ang ilan sa mga ito; hindi pa rin nalilimutan na ang mga kauna-unahang atomic bomb sa mundo ay sumapol sa Hiroshima at Nagasaki.
Totoong hindi kasali ang Pilipinas sa anumang karahasang mangyayari, ngunit kung pagbabatayan ang graphic portrayal ng missile attack sa Guam, walang dudang nakalantad tayo sa matinding panganib. Kaya naman masusing nakaantabay sa mga mangyayari ang Armed Forces of the Philippines (AFP). At sinabi nitong Biyernes ng tagapagsalita ng AFP na si Brig. Gen. Restituto Padilla na naghahanda na ang militar ng contingency plans at maghahayag ng babala upang alertuhin ang mamamayan sa anumang kaganapan.