Ni NORA CALDERON
MONDAY to Saturday pala kung mag-training si Ruru Madrid para sa role niya bilang vigilante sa Alyas Robin Hood 2. Iba-iba kasing martial arts at stunts ang ipakikita niya sa show kaya iba-iba rin ang training niya, at isa sa pinakamahirap ang archery.
Hindi ba siya nasasaktan sa mga training niya?
“Sanay na po akong masaktan,” sagot ni Ruru. “Kahit noon pa sa Encantadia, ganito na ako mag-training. Pero dito, doble ang ginagawa ko to the point na naiiyak na ako sa hirap pero tinatapos ko lahat. Fulfilled po ako kapag natapos ko, saka mga kaibigan ko na ang mga stuntmen na gamit namin sa taping at tinuturuan nila ako ng mga dapat kong gawin.
“Kaya excited na po ako dahil this week magsisimula na akong mag-taping. Happy ako na kasama ko muli si Kuya Dong (Dantes) dahil noon sa Encantadia, marami rin siyang pointers na itinuro sa akin, dahil nagawa na nga niya noon ang first season ng Alyas Robin Hood. May mga twists po sa story na hindi pa namin p’wedeng sabihin, like ‘yung totoong relasyon ng character kong si Andres Silang kay Pepe de Jesus. Isa rin akong vigilante sa gabi, pero hindi ko kilala si Alyas Robin Hood, naririnig ko lang kung sino siya pero ang tunay niyang identity, hindi ko kilala.”
Hindi alam ni Ruru kung mayroon siyang love interest sa ARH2. Wish ba niyang makapareha uli si Gabbi Garcia?
“Hindi ko po alam kung may ka-love team ako rito, kung sino po ang ibigay sa akin ng GMA, wala po ako karapatang tumanggi. Pero kung si Gabbi po, mas masaya, dahil comfortable na kaming magtrabaho na magkasama. Sa Sunday Pinasaya kami magka-love team ni Gabbi.”
Marami sa cast ng ARH2 ang nakasama na ni Ruru, pero looking forward siya na makatrabaho uli si Dingdong na bilib siya sa mahusay na pakikisama, very generous, at lagi raw may dalang food kapag sa taping.
Ngayong gabi na magsisimula ang Alyas Robin Hood 2.