SA loob ng maraming taon bago sumapit ang 2013, ang mga miyembro ng Kongreso ay naglalaan ng pondo para sa kanilang special projects, tulad ng pampagamot sa mga nasasakupang maysakit, barangay halls, kalsada patungo sa mga bukirin, health centers, at maging basketball courts.
Idinadahilan na hindi lamang dapat malalaking proyekto ang pondohan ng gobyerno, tulad ng mga paliparan at daungan, municipal buildings, mga eskuwelahan, at mga ospital. Kaya ang pangangailangan ng maliliit at ordinaryong mga mamamayan, na idinudulog sa kanilang mga congressman at alkalde, ay maaari ring kunin mula sa pondo ng gobyerno. Mas napapalapit sa gobyerno ang mga mamamayan sa pamamagitan ng maliliit ng proyektong ito at napapalapit din sa kanila ang mga opisyal, lalo na kapag panahon ng halalan.
Pero noong 2013, naglabas ng desisyon ang Supreme Court na ang “pork barrel” -- na tinatawag na Priority Development Assistance Fund (PDAF) – ay unconstitutional. Ang tungkulin ng mga mambabatas sa pamahalaan ay upang gumawa ng batas; hindi sila dapat nakikiaalam sa implementasyon ng inaprubahang mga proyekto.
Ngayon, pagkaraan ng apat na taon, wala nang tinatawag na PDAF sa National Budget. Pero kapag pinag-aaralan ng mga congressman at mga senador ang mga panukalang gugugulin ayon sa listahan ng Department of Budget and Management (DBM), nais ng mga nagplaplano sa executive department na aprubahan ng Kongreso ang kanilang proposals nang walang gaanong binabago. Upang mas mapabilis ang pag-apruba, ang mga mambabatas ay iniimbitahan upang magmungkahi ng kanilang paboritong proyekto na maisisingit sa budget – maaaring silid-aralan na idadaan sa budget ng Department of Education o maliit na tulay sa baryo na idadaan naman sa budget ng Department of Public works and Highways.
Nitong nakaraang Martes, muling binuhay ni Sen. Panfilo Lacson ang sigalot hinggil sa “pork barrel” nang sabihan niya si DBM Secretary Benjamin Diokno na gamitin ang “hidden” na pork funds ng mga mambabatas upang mapondohan ang libreng college education program ng pamahalaan.
Iwinaksi ni Lacson ang mga pagtanggi na wala na ang naturang pondo. “Then why are legislators being asked to submit lists of their projects just before the period of amendments of the appropriation bill?” tanong niya. Sinabi ni Lacson na mayroong nakalaang kabuuang P29.3 billion para sa mga proyekto ng mga mambabatas sa proposed 2018 budget. “Sobra-sobra pa ito para sa P25 billion na kinakailangan para sa libreng college education para sa susunod na taon,” sabi niya.
Ni minsan ay hindi tumanggap si Senator Lacson ng kanyang sariling allotment – P200 million para sa mga senador at P70 million para sa mga congressman – noong kasagsagan ng PDAF. Ang mga kasamahan niya sa Congress ngayon ay tila hindi pa nakahandang mawalan ng kanilang pork na nakatago sa ibang taguri at maaaring ipagpilitan ang pananatili ng “SOP” na dinisenyo ng DBM. Kung ganoon ay kinakailangan nilang hanapin sa iba pang mga singit-singit sa appropriation bill ang P25 bilyon na kinakailangan para sa bagong programa ng libreng pag-aaral sa kolehiyo ng ating kabataan.