Ni ABIGAIL DAÑO

Napaulat kamakailan na inihayag ni Father Antonio Moreno, ng Philippine Province of the Society of Jesus (SJ), na binigyang pahintulot niya si Rev. Arturo Sosa, Superior General ng SJ, para sa petisyong isulong ang pagiging santo ng yumaong si Bro. Richie Fernando.

Abril ngayong taon nang nagpadala ng liham si Father Vicente Robles, parish priest ng simbahan ng Sto. Cristo at St. Andrew Kaegon, kay Pope Francis na humihingi ng permiso na basbasan si Bro. Fernando bilang santo.

Bro Richie Fernando
Bro Richie Fernando
“I pray that Richie T. Fernando SJ, be recognized one day as a Saint in Heaven as Model of the Youth, Bravery, Hope and Love,” saad sa liham ni Fr. Robles.

Human-Interest

Paano nga ba mag-goodbye ang ilang Gen Zs bago mag-New year?

PAGPAPAKAMARTIR

Si Bro. Fernando, isang Pinoy Jesuit, ay namatay noong Oktubre 17, 1996 sa edad na 26 sa Phnom Penh, Cambodia matapos nitong iligtas ang isa sa mga may kapansanan niyang estudyante laban sa bombang dala ng huli. Nagpunta siya sa isang paaralan sa Cambodia, Jesuit Refugee Service technical school para sa mga may kapansanan, noong 1995 bilang parte ng pagsasanay niya sa pagpapari.

Isa sa kanyang mga estudyante ay si Sarom, 16 taong gulang noon, na nagtapos sa nasabing paaralan. Sa kagustuhang manatili sa paaralan, nagdulot ng abala ang binatilyo sa mga estudyante kaya napilitan ang mga awtoridad na paalisin siya.

Dahil dito, nagalit si Sarom at bumalik sa paaralan na may dalang bomba at pumasok sa isang kuwarto na puno ng estudyante.

Inawat ni Bro. Fernando si Sarom at iniiwas ito sa bomba, ngunit nabitawan ng huli ang bomba at sumabog ito, na ikinamatay naman ni Bro. Fernando.

MILAGRO

Ilan sa mga pagmimilagrong sinasabing ginawa ni Bro. Fernando ay ang pagpapagaling sa isang 18-anyos na babaeng estudyante ng University of Sto. Tomas. Nabundol ng rumaragasang motorsiklo ang estudyante at na-comatose. Tinawagan ng mga magulang ng bata si Fr. Robles, at pinayuhan ang mga ito na dasalin ang panalangin para kay Bro. Fernando. Gumaling ang dalagita at naipagpatuloy ang kursong architecture.

Ikalawa ay ang pagpapagaling umano ni Bro. Fernando sa isang pitong taong gulang na babaeng may sakit sa puso. Muli, pinayuhan ni Fr. Robles ang ina ng bata na manalangin kay Bro. Fernando. Napagaling umano ng huli ang bata, na ngayon ay 13 taong gulang na.

MATAGAL NA PAGHIHINTAY

Mahaba-habang proseso pa ang tatahakin ni Bro. Fernando bago maging ganap na santo. Kinakailangan munang makahanap ang mga Hesuwita ng sapat na impormasyon, panayam mula sa mga taong ginawan niya ng milagro at mga ebidensiya, mga sulat at katha, at mga isinagawang pagmimisa nito. Magsasagawa rin umano ang SJ ng petisyon sa Obispo ng Phnom Penh sa Cambodia.

Ang pagsusulong na maging santo si Bro. Fernando ay dadaan umano sa dalawang bahagi. Una ang diocesan phase, kung saan makikipagtulungan ang SJ sa Diocese ng Novaliches, na roon naninirahan ang kanyang pamilya. Ikalawa, sa Roman phase na ang general postulator ng SJ ay responsable sa gawaing ito sa harap ng Vatican’s Congregation for the Causes of Saints.

“I know where my heart is, it is with Jesus Christ, who gave his all for the poor. The sick, the orphan… I am confident that God never forgets his people: our disabled brothers and sisters. And I am glad that God has been using me to make sure that our brothers and sisters know this fact. I am convinced that this is my vocation,” saad sa sulat ni Bro. Fernando na ipinadala sa kanyang kaibigan na si Fr. Totet Banaynal, apat na araw bago siya nasawi.

IKATLONG SANTONG PINOY?

Sa mga nais kilalanin si Bro. Fernando at ang kanyang adbokasiya at mga ginawa, maaari lamang bisitahin ang Friends of Bro. Richie Fernando sa Facebook at ang website na Jesuits in the Philippines.

Sakaling ganap na maging santo, si Bro. Richie Fernando na ang ikatlong Pilipinong santo, kasunod nina San Lorenzo Ruiz at San Pedro Calungsod, at kauna-unahan namatay noong 1990s.