ni Mary Ann Santiago
Nakatakdang simulan bukas, Agosto 15, ang konstruksiyon ng guideway para sa Station 3 ng Metro Rail Transit Line-7 (MRT-7) kaya asahan na ang mabigat na daloy ng trapiko sa bahagi ng Commonwealth Avenue sa Quezon City.
Sa abiso ng MRT-7 Project Traffic Management Task Force, unang itatayo ang Phase 1 ng construction guideway sa pagitan ng University Avenue at Central Avenue.
Inaasahang aabutin ng hanggang Abril ng susunod na taon ang konstruksiyon, at ang tig-pitong linya ng sasakyan sa magkabilang direksiyon sa Commonwealth Avenue ay magiging tig-limang linya na lamang.
Samantala, ang pagtatayo ng Station 7 sa Manggahan Area ng Commonwealth Avenue, sa pagitan ng Katuparan at Kaunlaran Street, ay magsisimula na rin sa susunod na linggo at inaasahang maaapektuhan ang isang linya ng southbound at dalawang linya ng northbound lane.
Humingi naman ng pang-unawa at kooperasyon ang MRT-7 Traffic Task Force sa mga motorista at hiniling na sumunod sa batas-trapiko.
Ang 22-kilometrong rail transit system ang mag-uugnay sa North Avenue, Quezon City at sa San Jose Del Monte City, Bulacan.
Binubuo ng 14 na istasyon na kinabibilangan ng North Avenue; Quezon City Memorial Circle; University Avenue; Tandang Sora; Don Antonio; Batasan; Manggahan; Doña Carmen; Regalado; Mindanao Avenue; Quirino; Sacred Heart; Tala; at San Jose Del Monte.