Ni: Jerry J. Alcayde

CALAPAN CITY, Oriental Mindoro – Tatlong lalaki ang inimbitahan para sa interogasyon matapos ang bakbakan ng mga tropa ng pamahalaan at ng 20 armadong lalaki na pawang pinaghihinalaang miyembro ng rebeldeng New People’s Army (NPA) sa Taytay, Palawan, nitong Biyernes ng umaga.

Sa ulat na ipinarating sa tanggapan ni Chief Supt. Wilben M. Mayor, regional director ng Police Regional Office-MIMAROPA (Oriental Mindoro, Occidental Mindoro, Marinduque, Romblon, Palawan), nagsagawa ng combat operations ang mga tauhan ng First Maneuver Company of the Regional Public Safety Battalion (RPSB), sa pamumuno ni Inspector Michael P. Rivera sa Sitio Maubog, Barangay Alacalian, Taytay, Palawan, may 45 kilometro ang layo mula sa national highway, nang makaengkuwentro nila ang mga armadong NPA, dakong 10:20 ng umaga noong Agosto 11.

Ayon kay Insp. Rivera, bago ang sagupaan, nakita nila ang isang babae na nagsasagawa ng lecture sa tinatayang 20 armadong lalaki sa isang kubo.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Nang pagbabarilin ng mga NPA, gumanti ng putok ang operating RPSB team at ang mga tauhan ng 212 Marine Company ng Mobile Battalion Landing Team, Philippine Marines, sa pamumuno ni First Lieutenant Mark Anthony Jordan, at hinabol ang mga rebelde.

Sinabi ni Chief Supt. Mayor na walang iniulat na nasugatan o namatay sa panig ng pamahalaan.

Narekober sa clearing operations ang dalawang pirasong improvised land mine, isang M16 A1 rifle na may 10 magazine, isang portable generator set, 10 assorted magazine para sa caliber 7.62 at caliber 5.56, mga bala, anim na cellular phone at headset, isang netbook, 22 pirasong damit na may mga katagang “New People’s Army”, 30 name cloth na may markang “Bienvenido Vallever Command”; 10 kamiseta na may markang “Bagong Hukbong Bayan-Palawan” at “Bienvenido Vallever Command” at 12 sombrero, walong itim na bandolier, iba’t ibang libro na may titulong Aklat ng Maikling Kurso ng Lipunan at Rebolusyong Pilipino, Araling Aktibista, Dagitab, Batayang Kurso ng Partido, at Piling mga Sulating Militar ni Mao Zedong, isang watawat ng National Democratic Front (NDF), mga kuwaderno, certificate of training mula sa Bienvenido Vallever Command na may pangalan ng mga partisipante at iba pang subersibong dokumento, isang military compass, iba’t ibang gamot at dalawang improvised stretcher at iba’t ibang uri ng improvised explosive device (IED) at iba pang pampasabog.