Ni DINDO M. BALARES

SA Miyerkules, Agosto 16, magbubukas sa Art Center ng SM Megamall ang Gleaming Pieces: 50th One Man Show Painting Exhibition ni Pancho Piano. Bukod sa 49 solo exhibitions, bumiyahe at nakibahagi na siya sa mahigit 150 group exhibitions sa Pilipinas, Slovakia, Brunei, Japan, Saipan at United States, Georgia, France, Austria, Germany, Belgium, Italy, at Switzerland; nanalo sa mahigit 10 major national competitions sa Pilipinas, at labindalawang beses nang pinarangalan bilang Artist of the Year ng iba’t ibang institusyon.

PANCHO PIANO AT ANG MAY-AKDA

Pero pinakamatamis pa rin sa lahat ng mga alaala ng pinakamatagumpay na Bicolanong pintor ang naipanalo niyang poster-making contest ng Department of Education (Department of Education and Culture noon) tungkol sa family planning noong estudyante pa lamang siya ng Economics sa University of Nueva Caceres sa Naga City.

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

“Gustung-gusto kong sumali pero wala akong kapera-pera. Kahit pambili ng kartolina, wala,” kuwento ng soft-spoken na painter nang interbyuhin ko sa Viet Nom Nom Restaurant sa Maginhawa St., Quezon City, na pag-aari ng kanyang anak at mga kaibigan nito. “Kinausap ko ang kaibigan ko kung puwede niya akong pautangin. ‘Buti, meron siyang piso. Inipon ko agad ang watercolor ko, aapat na kulay na namamasa-masa pa nga kasi luma na. Nakasali ako at napanalunan ko ang first prize. Pag-uwi ko, ang piso ko P5,000 na.”

Paulit-ulit ang maraming mga pangyayaring ganito sa buhay ng anak ng guro at payak na maybahay.

Isinilang sa Mangogon, malayong islang barangay ng Lagonoy, Camarines Sur, ngayon ang mga painting ni Pancho Piano ay kinokolekta ng mga bantog na personalidad dito sa Pilipinas at sa iba’t ibang bansa. Grade 5 nang magsimula siyang maging paboritong pintor ng mangingisda sa kanilang mga bangka sa Mangogon, “mga huli nilang isda ang bayad sa akin” at naging katuwang siya ng kanyang ama’t ina sa pagpapaaral sa kanyang mga kapatid. Napagtapos niya sa pag-aaral ang lahat ng mga kapatid niya.

Mula sa pagpipinta ng mga kapilya at dingding ng mga bahay sa kanilang baryo, siya ang kinokontrata ng maraming simbahan sa Bicolandia at sa iba’t iba pang mga probinsiya at ibang bansa.

Tahimik na alagad ng sining si Pancho Piano pero ang produkto ng kanyang imahinasyon ay nagsusumigaw at maaaring dalawin ng mga turista sa iba’t ibang simbahan. Oo, mula sa Mangogon hanggang sa Boracay.

Ang kanyang stained glass installations at mural paintings ay makikita sa Naga Metropolitan Cathedral, Archbishop Chapel/Palace ng Naga, Peñafrancia Basilica, Albay Cathedral, Guinobatan Church, Camalig Church, Polangui Lidong Chapel, Ligao Church, Pio Duran, Taisan, Legaspi City, Tabaco City, Bocacay Bongga Church, Poor Claire-Sto. Domingo, Bocacay Bishop Residence-Sto. Domingo, Legaspi City Museum, Albay Capitol, Pepperland Hotel, Naga Holy Minor Seminary, Naga Minor Seminary Museum, University of Nueva Caceras, Camariñes Sur National High School, Universidad de Colegio de Sta. Isabel, Felix Fuentebella Museums sa Tigaon, Camariñes Sur, Ago Foundation Hospital, Camariñes Sur Provincial Capitol, mga munisipyo sa Lagonoy, Sangay, Minalabac, Pasacao, Pamplona, San Jose Church, Tabuco Church, Magarao Church, Maguiring Chapel, Tinambac Church, Pili Church; St. Therese, San Jose, Pili; San Jose Church, Nabua Church, Tandaay, Salvacion, Sugod Topas Chapel, Salvacion, Baao; Balatan Church, Bato Church, at Fatima sa Iriga.

Makikita rin ang kanyang obra saCathedral sa Daet, Camarines Norte, Catanduanes Cathedral, Bato Church San Andres Church, Masbate Cathedral, Monroy Church, Poor Claire-Sorsogon Church, Donsol Church.

Bulan Church, at sa Xevera Church I & II Pampanga, Our Lady of Annunciation, Minadanao Ave. Q.C., Our Lady of Immaculate Conception-Pasig, Poor Claire-Laguna, Holy Cross Parish-Amparo Village, Caloocan; Our Lady of Guadalupe-Loma de Gato, Marilao Bulucan, Our Lady of Fatima-Mandaluyong, Saipan Cathedral-Saipan, CNMI Evangelist Church-Palau Island, Holy Child of Jesus Chapel-Bel Air Makati.

Bumuhos na luha sa mga mata ang naging kasagutan ng pintor nang itanong ko kung inabot ng kanyang mga magulang ang tagumpay niya.

At kung paano niya nagawa ang nakakalula sa daming mga obra-maestrang ito?

“Tuwing nagdadasal ako kay Ina (Our Lady of Peñafrancia) na kailangan ko ng trabaho, paglabas ko, siguradong may sagot na siya,”tugon niya.

Ang lahat ng ito ay bunga ng kanyang mga panalangin.

[gallery ids="260088,260087,260086,260085,260084,260083"]