Ni: PNA
Nagpasalamat kay Pangulong Duterte ang isa sa mga may-akda ng bagong batas na naglilibre ng matrikula sa lahat ng unibersidad at pamantasan ng pamahalaan, sinabing isa itong pagpapasinaya sa “social revolution” para sa isang mas patas na lipunan sa bansa.
Sa isang pahayag, nagpaabot ng pasasalamat sa Presidente si Albay Rep. Joey Salceda, ang pangunahing may-akda ng Universal Access to Quality Tertiary Education Act (RA 10931), na nilagdaan ni Pangulong Duterte kamakailan at isa nang ganap na batas.
“Maraming salamat, Mr. President, sa paglunsad mo ng ikalawang henerasyon ng social revolution tungo sa higit na patas na lipunang Pilipino,” anang kongresista.
Saklaw ng bagong batas ang libreng pag-aaral sa mga state universities and colleges (SUCs) at local universities and colleges (LUCs), gayundin sa technical-vocational education ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA). Sasagutin din ang Tertiary Education Subsidy (TES) at P1.3-bilyon student loan program.
Sa ilalim ng bagong batas, gagastos ang pamahalaan ng P10.486 bilyon sa matrikula, at P6 bilyon para sa iba pang gastusin ng nasa 984,000 estudyante sa SUCs sa school year 2018-2019.
Isinama sa House Bill 2771 ni Salceda ang katulad na mga panukala nina Kabataan Party-list Rep. Sarah Jane Elago, bagamat pinanatili ang mga pangunahing probisyon sa panukala ng una.
Si Salceda rin ang may-akda ng tinatalakay na rin sa Kongreso na panukalang Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN).