Ni: Ali G. Macabalang
COTABATO CITY – Opisyal nang sinibak ng Office of the Ombudsman sa puwesto ang matagal nang “missing in action (MIA)” na alkalde ng bayan ng Talitay sa Maguindanao dahil sa hindi nito umano pagdedeklara sa mga pagmamay-aring yaman, kabilang ang isang bahay sa Davao City.
Isinilbi nitong Biyernes ng Department of Interior and Local Government (DILG) ng Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) ang dismissal order ng Ombudsman laban kay Talitay Mayor Montaser Sabal, na Nobyembre 2016 pa nagtatago makaraang mapabilang siya sa listahan ni Pangulong Duterte ng mga “narco-politician”.
Kasama ang ilang pulis at sundalo, si DILG-ARMM Secretary Noor Hafizullah Abdullah ang nagsilbi ng dismissal order na tinanggap ni Talitay Municipal Administrator Tato Aruyod nitong Biyernes.
Una nang sinuspinde ng DILG-ARMM si Sabal at kapatid nitong si Vice Mayor Abdulwahab Sabal dahil sa ilang buwan nang hindi pagpasok sa kani-kanilang tanggapan.
Nobyembre ng nakaraang taon nang ikasa ng mga pulis at sundalo ang serye ng raid sa bahay at sa mga pinaniniwalaang pinagtataguan ng alkalde sa Talitay at sa mga kalapit na lugar, at nakasamsam umano ng maraming shabu at mga hindi lisensiyadong baril sa nasabing mga operasyon.