Ni FER TABOY
Inihayag ni Iloilo City Mayor Jed Patrick Mabilog na mas mabuti kung maitatalaga sa Iloilo City si Chief Insp. Jovie Espenido, ang kasalukuyang hepe ng Ozamiz City Police Office (OCPO).
“Welcome sa lungsod ng Iloilo ang tinaguriang drug lord killer na si Espenido, na kasalukuyang hepe ng OCPO,” napaulat na inihayag ni Mabilog.
Sinabi ni Mabilog na mas mainam kung maitatalaga sa Iloilo City si Espenido upang makita ng hepe ang mga ginagawang hakbangin ng pamahalaang lungsod kaugnay ng kampanya laban sa ilegal na droga.
Ayon kay Mabilog, hindi siya natatakot kung maitalaga man sa Iloilo City si Espenido, dahil wala naman aniya siyang kaugnayan sa droga.
Kadedestino lang ni Espenido sa OCPO nang isagawa ang madugong raid sa bahay ni Ozamiz City Mayor Reynaldo Parojinog, Sr. nitong Hulyo 30, na ikinasawi ng alkalde at ng 15 iba pa.
Nauna rito, si Espenido rin ang hepe ng Albuera Police sa Leyte nang salakayin ang bahay ni Albuera Mayor Rolando Espinosa, Sr., na kalaunan ay pinatay sa selda nito sa Baybay City noong Nobyembre.
Kamakailan, napaulat na inihayag ni Espenido na nais niyang maitalaga sa Iloilo City kung mabibigyan siya ng pagkakataon.
Isa si Mabilog sa mga alkaldeng napabilang sa “narco-list” ni Pangulong Duterte, na kinabibilangan din nina Espinosa at Parojinog.
Pawang itinanggi ng tatlong alkalde ang akusasyon.