NASAMPOLAN na tayo ng bagong polisiyang panlabas ng bansa sa katatapos na pulong ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) sa Maynila na dinaluhan din ng mga foreign minister ng Amerika, Russia, China, at iba pang katuwang na bansa.
Sa closing ceremony nitong Lunes, nanawagan si Pangulong Duterte ng mabilisang pagsasapinal ng kasunduan upang magtatag ng isang free trade bloc na magbubuklod sa sampung bansang ASEAN at sa China, India, Japan, South Korea, Australia, at New Zealand. Matagal nang isinusulong ng China ang Regional Comprehensive Economic Partnership (RCEP) na ito. Nagkasundo naman ang mga bansang ASEAN, sa kanilang pinal na joint communiqué, na suportahan ang panawagan ng China para sa non-confrontational settlement sa mga usaping may kinalaman sa South China Sea.
Gumanap din ng mahalagang tungkulin ang Amerika sa mga idinaos na pulong sa Maynila. Nakipagpulong si US Secretary of State Rex Tillerson kina Russian Foreign Minister Sergei Lavrov at Chinese Foreign Minister Wang Yi upang hingin ang tulong ng mga ito upang mapigilan ang North Korea, na nagbabantang maglulunsad ng nukleyar na pag-atake laban sa Amerika. Nang magtalumpati sa US Embassy pagkatapos ng pulong, inihayag ni Secretary Tillerson ang kahandaan ng Amerika na tulungan ang Pilipinas sa laban nito kontra sa rebelyon ng Maute, na naiimpluwensiyahan ng Islamic State, sa Marawi City. Patuloy itong magkakaloob ng suporta sa Armed Forces of the Philippines sa pamamagitan ng grant assistance at pagpapabilis ng bentahan ng mga armas at bala.
Sa kaparehong araw, inihayag ni Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano na nagkasundo ang Pilipinas at Russia na aapurahin ang mga negosasyon para sa mga bilateral agreement sa pagtutulungang teknikal sa larangan ng sandatahan, paglaban sa ilegal na droga, at pagpapatupad ng batas.
Masusi tayo ngayong nakikipagtulungan sa Amerika, China, at Russia—ang tatlong pinakamalalaking bansa sa mundo na ilang beses na ring nagkaroon ng hindi pagkakasundo sa bawat isa. Kung noong nakaraang taon, pananatilihin natin ang malapit na ugnayan sa Amerika lamang, at iiwasang makipaglapit sa Russia at China.
Pero ngayon, nakikipagtulungan din tayo sa China at Russia at sa iba pang mga bansa bilang bahagi ng bagong polisiya ng ating bansa, isang paninindigang bukas sa pakikipagtulungan sa iba pang mga bansa, at mas nakapagsasariling polisiyang panlabas.