Ni REGGEE BONOAN
ANG daming magulang na nagtatanong sa amin kung paano mag-audition sa Little Big Shots (LBS) ang kani-kanilang anak na sa paniwala nila ay puwede ring mai-feature sa bagong reality show ng ABS-CBN (nag-pilot na kagabi).
Tinanong namin sila kung hindi ba mahiyain ang mga anak nila kapag may ibang tao nang kaharap bukod sa mga kaanak. At siyempre, kung anu-ano ang kakaibang talent na puwede nilang i-share sa LBS.
Naikuwento kasi sa amin ng production team ng LBS kung gaano kahirap mag-audition ng mga bata at dugo’t pawis daw ang naranasan nina Lui Andrada (business unit head), Leilani Gutierrez (program manager), EPs, researchers, PAs at iba pa.
Pagkatapos ng presscon ng LBS namin sila nakakuwentuhan dahil nagsipagtanong kung nagustuhan ng entertainment press ang pilot episode na ipinanood.
“Oo naman,’ sagot namin, ‘’kita n’yo nga ang reaksiyon, puro positive!’
Nagpasalamat ang grupo at saka nagkuwento si Lui.
“Alam mo ba, ang hirap talaga kapag bata ang in-audition mo, kasi ‘yung ibang bata, mahiyain, hindi nagsasalita, mga nakahawak sa damit ng nanay nila o kaya nagtatago sa likod ng nanay nila, so paano mo sila kakausapin, di ba?
Siyempre, bobola-bolahin mo para mag loosen-up.
“’Tapos kapag pumasa sa audition, iluluwas mo sila ng Manila, I’m talking sa provinces, ha? Ang pinaka-minimum of stay nila rito ay apat na araw, ipapa-hotel mo sila. Bakit apat na araw? Kasi sa first day, ipapa-meeting mo ang magulang sa legal, siyempre about the legalities para maintindihan.
“Second day, ipapa-meet mo naman ‘yung bata sa child psychologist para maging kampante sila, naku, napakahabang proseso. Kasi may mga batang umiiyak pa, ayaw mawalay sa magulang, hindi sila magpe-perform kung hindi katabi ang magulang, may mga ganu’n. May mga naglalaro lang ‘tapos kapag napagod ayaw na. So lahat ‘yon, pagtitiyagaan mong hintayin kung kailan sila nasa mood. Saka naglalaro muna sila rin ng psychologist, as in maraming laruan.
“Third day, ito na ‘yung taping for the show, naku, pinakamahirap, sabi ko nga, di ba, wala sa mood ang mga bata minsan. ‘Yung cute na cute kayong si Rodzen, ilang oras bago ‘yun nakunan kasi ayaw niyang mahiwalay sa kasama niya, ‘tapos wala pa sa mood. Kaya hinintay namin, pero nu’ng umokey na, nakita mo naman, ang kulit na.
“’Yung nagtatanggal ng tinik ng isda, matagal bago nakunan kasi siya ‘yung sobrang mahiyain, hindi talaga nagsasalita, ‘pansin n’yo naman siguro. Bibilang ka ng oras.
“Kaya ‘yung sinabi ni Billy (Crawford) na humingi siya ng 20 minutes break, totoo ‘yun kasi pagod siya. Kasi ang hirap kayang kunin ang loob ng mga bata. Kaya nakakapagod talaga ‘tong show na ito, sobrang hirap.”
Nabanggit pa na si Janice (nagtatanggal ng tinik ng isda) ay sariling kutsilyo at chopping board daw ang gamit.
“Para gamay na niya kasi ang talas nu’ng kutsilyo baka kung mapaano. Kita mo ang bilis niyang magtanggal kasi sanay na. At bago lang ‘yung apron, sa production na ‘yun galing,” kuwento pa ni Lui.
Marami pa raw na talento ng kids ang ikagugulat ang mga manonood dahil pati sila ay nagugulat, tulad ng batang siyam na taong gulang na marunong nang mag-operate ng backhoe.
“Nakikita kasi niya ‘yung dad niya na iyon ang trabaho, so nakalakihan niya, ‘tapos tinuruan na rin siya ng dad niya hanggang sa hinahayaan na siya. Basta marami pang iba,” masayang kuwento ni Lui.
Bakit hindi iyon ang pilot episode nila, para panggulat kaagad.
“Hindi ka pa ba nagulat sa napanood mo? Siyempre hindi naman puwedeng lahat ng kakaiba isasaksak mo sa isang episode.
Pinag-aaralan din lahat ‘yun,” katwiran ng TV executive.
Marami pang kuwento at kakaibang talento ng mga batang nanggaling sa iba’t ibang dako ng Pilipinas at may imported din na nanggaling ng Japan at India.
Kaya open sa lahat ng mga magulang ng mga batang may kakaibang talent ang Little Big Shots para sa audition. Sana hindi na ‘yung usual na kumakanta at sumasayaw dahil marami nang ganu’n.