Ni LITO T. MAÑAGO
NAKUMPLETO rin namin ang panonood sa siyam na pelikulang kalahok sa 13th Cinemalaya Independent Film Festival & Competition sa Cultural Center of the Philippines (CCP) kamakalawa ng gabi.
Tulad ng mga nakaraang Cinemalaya film festivals, hindi kami nag-avail ng press pass. Bumili kami ng FIC (films in competition) pass bilang tulong sa indie community at sa mga taong nasa likod nito.
Hinabol namin ang 9 o’clock screening ng Ang Pamilyang Hindi Lumuluha na pinagbibidahan ni Sharon Cuneta. We missed the gala premiere last Tuesday dahil conflict sa aming schedule.
Mahusay si Sharon. Sa tingin namin, malaki ang posibilidad na maiuuwi niya ang Best Actress award. Mahigpit niyang makakalaban sa Balanghai trophy sina Angeli Bayani (Bagahe), Angel Aquino (Sa Gabing Nanahimik Ang Mga Kuliglig) at Gina Alajar (Nabubulok).
Sa apat na magagaling na aktres, bet na bet namin si Shawie bilang desperadang babae na gustong mabuong muli ang kanyang nagkawatak-watak na pamilya. Malayo ang character ng misis ni Sen. Kiko Pangilinan sa mga nagawa na niya in the past.
Sa Best Actor, it’s a toss between Abra (real name: Raymond Abracosa) para sa Respeto at Noel Comia, Jr. for his sterling performance in Kiko Boksingero.
Personally, paborito naming mag-uwi ng Balanghai trophy for Best Actor ang dating The Voice Kids Season 3 contestant.
Napakanatural niya. Nakipagsabayan siya sa aktingan sa mahuhusay na sina Yul Servo at Yayo Aguila. Ang guwapo pa ng rehestro niya sa screen.
Isang malaking rebelasyon sa amin si Moi Bien sa Ang Pamilyang Hindi Lumuluha. May ilang eksena pa ngang naa-upstage niya ang megastar. Magaling lang talaga si Sharon.
Can we safely say now, shoo-in na siya for Best Supporting Actress? Kapag na-Luz Valdez ang personal assistant ni Piolo Pascual, something is wrong!
Although wagas din ang performance ni Chai Fonacier sa Respeto at baka magkagulatan pagdating ng awards night. Ang husay din niya sa pelikulang Patay Na Si Hesus na official selection sa gaganaping Pista ng Pelikulang Pilipino, na pinagbibidahan ni Jaclyn Jose.
Sa Best Supporting Actor category naman, nangangamoy panalo ang performance ni Dido de la Paz for Respeto. Tipong wala rin siyang kalaban sa kategorya. Ibang klase ang ipinamalas niyang emosyon sa pelikula. His performance commands respect. Ginagampanan niya ang character ni Doc, isang martial law poet.
Sa siyam na official entries, sa tingin namin ay nakalalamang ng milya-milya ang Respeto ni Direk Alberto Monteras, ito ang pinakagusto namin sa lahat ng entries. It might just win Best Film. Malamang ding maiuwi niya ang karangalan bilang Best Director.
Sa siyam na kalahok, isa ito sa tatlong nagustuhan namin. The others are Kiko Bongsingero at Ang Pamilyang Hindi Lumuluha.
Nakapanghihinayang lang na tila iilan lang talaga ang masasabing ‘outstanding’ films sa Cinemalaya ngayong taon.
Nakalulungkot lang na sa halip na umangat ang kalidad ng mga pelikula sa itinuturing na premier indie film festival sa bansa, tila bumaba ang uri ng mga kalahok sa ika-13th edition ng festival.
Bawi na lang next year at good luck sa mga magwawagi!