Ni Argyll Cyrus B. Geducos

Sinabi ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) Secretary Martin Andanar kahapon na ang huling kapalpakan sa state-run Philippine News Agency (PNA) ay parehong nakalulungkot at hindi katanggap-tanggap kaya kinakailangang uling balasahin ang ahensiya.

Hinggil ito sa maling paggamit ng PNA ng logo ng Dole Philippines kasama ng istorya nito tungkol inilabas na panuntunan ng Department of Labor and Employment (DoLE) para sa mga pista opisyal sa 2018.

Ang logo ng kompanya ay nanatili sa website ng PNA sa loob ng dalawang oras nitong Biyernes ng gabi bago ito napalitan ng logo ng DoLE bandang 9:45 ng gabi, pero trending topic na ito sa social media.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

“It is very sad that this had to happen but it’s part of organizational restructuring of Philippine News Agency,” sabi ni Andanar sa interbyu ng Brigada News FM kahapon.

“It’s a very sad state of the agency. But hindi naman tayo titigil na ayusin ‘yan. It’s just that it’s unacceptable,” dagdag ni Andanar.

Sa Facebook page ng PNA, nag-isyu ito ng paumanhin at inamin na iyon ay “careless act on the PNA editorial staff.”

Sinabi ni Andanar na magkakaroon ng meeting ang editorial staff ng PNA bukas, Lunes, upang pag-usapan ang mga kapalpakan ng ahensiya ngayong taon kabilang na ang pagpo-post ng komentaryo mula sa Xinhua News Agency at ang paggamit din ng maling litrato sa istorya tungkol sa bakbakan sa Marawi City, Lanao del Sur.

Sinabi rin niya na natukoy na ng PCOO kung sinu-sino ang mga taong nagkamali sa huling kapalpakan at haharap ang mga ito sa internal investigation.

“’Pag nakitaan po sila ng malaking pagkakamali or talagang sinadya po nila, kung hindi po sila makapagpaliwanag nang husto, then they would have to face disciplinary action. They would also have to, maybe, be suspended, be warned, be axed, depending on the result of the investigation,” dagdag niya.

Sinabi rin ni Andanar na ang editorial staff, at ang PNA mismo, ay kinakailangang balasahin, muling magsanay, at muling bubuuin.