Ni: Erwin Beleo
TUBAO, La Union – Isinuplong kahapon sa pulisya at kinasuhan ng trespassing ng isang 28-taong gulang na babae ang pitong lalaki na nagpakilalang mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) bago pinasok ang kanyang bahay sa Barangay Lloren, Tubao, La Union.
Sinabi ni Josefina Esguerra, may-ari ng bahay, sa pulisya na bandang 2:00 ng hapon nang isang lalaki na nagpakilala bilang si “SPO3 Gacayan” na umano’y miyembro ng CIDG, kasama ang apat na iba pa, ang sapiliting pumasok sa kanyang bahay dahil pinaghahanap nila umano ang dalawang pugante.
Kuwento ni Esguerra, sinabi ng mga ito na tinutugis ang dalawang pugante sa kasong pagnanakaw, at nagtatago umano ang mga ito sa loob ng kanyang bahay.
Nang hingian niya ng search warrant ay wala namang maipakita ang mga nagpakilalang pulis.
Tinangay umano ng mga suspek ang isang .9mm caliber pistol, isang shotgun, iba’t ibang bala, at isang lalaking kambing.
Sapilitan din umanong pinapirma si Esguerra sa isang kasulatan, na nagsasaad na hindi siya magsasampa ng anumang kaso sa korte kaugnay ng insidente.
Tumakas ang mga suspek matapos ang insidente sakay sa dalawang kotse, isang Toyota Innova at isang Toyota Fortuner na may hindi natukoy na red plate number.
Iniimbestigahan na ng Tubao Municipal Police ang insidente at nakikipag-ugnayan sa CIDG para alamin ang pagkakakilanlan ng mga nagpakilalang pulis at ang koneksiyon ng mga ito sa sinasabing dalawang pugante.