Ni: Mary Ann Santiago
Ipinagmalaki ng Department of Tourism (DoT) ang pagtaas ng tourist arrival sa Pilipinas sa unang anim na buwan ng 2017.
Sa ulat ni Tourism Secretary Wanda Tulfo-Teo, ang foreign tourist arrivals mula Enero hanggang Hunyo, 2017, ay umabot sa 3,357,591 o mas mataas ng 12.7% kumpara sa 2,978,438 ng kaparehong panahon noong 2016.
Ikinatuwa naman ito ng mga mambabatas kaya pumayag ang mga itong madagdagan ang budget ng DoT sa susunod na taon, kabilang na ang P1 bilyon marketing fund, sa budget hearing ng House Committee on Appropriations kamakailan.
Batay sa ulat ng DoT, ang South Korea ang nananatiling top tourist market para sa Pilipinas nang makapagtala ng 795,085 arrivals, o 23.68% ng total inbound traffic; kasunod ang Amerika na may 513,443 (15.29%); China, 454,962 (13.55%); at Japan, 294,080 (8.76%).