Ni: Clemen Bautista

SA ikaapat na pagkakataon, muling inilunsad ng Municipal Health Office ng Binangonan at ng pamahalaang bayan ang “Safe Motherhood Caravan” nitong unang linggo ng Agosto. Ito ay bahagi ng programa sa kalusugan na iniuukol sa lahat ng mga buntis. Ang isa sa mga pangunahing layunin nito ay mapangalagaan ang kalusugan ng mga buntis at maging maayos ang panganganak.

Ayon kay Binangonan Mayor Cesar Ynares, ngayong 2017 ay umabot sa 200 buntis ang lumahok at nakinabang sa Safe Motherhood Caravan. Ang mga buntis na lumahok sa caravan ay nagmula sa iba’t ibang barangay sa Binangonan, kasama ang mga buntis na nagmula sa mga barangay sa Talim Island. Idinaos ang Safe Motherhood Caravan sa Binangonan Recreation Conference Center (BRCC) na nasa Manila East Road, Bgy. Batingan. Tampok na bahagi ng caravan ang seminar tungkol sa iba’t ibang paksa na may kaugnayan sa pangangalaga sa mga buntis tulad ng safe motherhood at breast feeding.

Tinalakay din ang tungkol sa baby care at ang kahalagahan ng laboratory check-up ng mga buntis. Naging mga panauhing tagapagsalita ang mga doktor at health worker ng Rizal Provincial Health Office at ng Population Commission (POPCOM).

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Naging bahagi rin ng Safe Motherhood Caravan ang timpalak sa pagpili ng tatlong pinakamagandang magbuntis. Ang mga lumahok sa timpalak ay nagpakita ng kani-kaniyang talento. Isa sa tatlong nagwagi ay si Gng. Eloisa Banaag, ng Bgy. Darangan. Siya ang second runner up at tinawag na “Most Orally Fit Buntis”. First runner up naman si Gng. Roxane Andrade, ng Bgy. Tayuman. Siya ay kinilalang “Best in Preggy Walk”. Habang ang “Most Gorgeous Buntis” at grand winner ay si Gng. Hannak Kimberly Matillano, ng Bgy. Mambog, Binangonan, Rizal. Ang tatlong nagwagi ay tumanggap ng gantimpalang cash at trophy. Ang mga gantimpala ay iniabot ni Dra. Rose Marta Callanta-Ynares, ang butihing maybahay ni Mayor Cesar Ynares.

Ang Safe Motherhood Caravan, inilunsad ni dating Mayor Boyet Ynares (kasalukuyang vice mayor ng Binangonan), ay flagship project ng Municipal Health Office ng Binangonan, na ngayon ay ipinagpapatuloy ni Mayor Cesar Ynares sa pakikipagtulungan ng Department of Health, Rizal Provincial Health Office at ng POPCOM.

Sa bahagi ng mensahe ni Mayor Cesar Ynares, sinabi niya na ang Safe Motherhood Caravan ay mahalaga at malaking tulong sa mga buntis sapagkat natutulungan at nabibigyan sila ng mga kaalaman sa wastong pangangalaga sa kalusugan at kaalaman sa wastong pag-aalaga ng sanggol.

Ayon pa kay Mayor Ynares, sa nakalipas na taon mula nang ilunsad ang Safe Motherhood Caravan sa Binangonan, maraming buntis ang natulungan. Nakita rin ang kahalagahan ng proyekto. Ang Safe Motherhood Caravan ay malaking tulong sa kapakanan ng mga buntis kaya nararapat na ito’y ipagpatuloy at suportahan. Pinasalamatan ni Mayor Ynares ang lahat ng nakiisang buntis at iba pa na sumuporta sa nasabing proyekto.