Ni: Marivic Awitan

Laro sa Martes

(Ynares Sports Arena)

3 n.h. -- Marinerong Pilipino vs Cignal HD

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

5 n.h. -- Flying V vs CEU

NABITIWAN ng Flying V ang siyam na puntos na bentahe ngunit nagpakatatag sa krusyal na sandali para makopo ang 65-61panalo kontra Centro Escolar University nitong Huwebes sa Game One ng kanilang semifinal duel sa 2017 PBA D-League Foundation Cup sa Ynares Sports Arena.

Tangan ang 63-61 bentahe may 21 segundo sa laro, nagawang makakuha ng charging foul si Gab Banal laban sa rumatsadang si Rod Ebondo para mapigilan ang pagtatangka ng Scorpions na maitabla ang laro at maipuwersa ang overtime.

Naselyuhan ang panalo ng Flying V sa dalawang free throw ni Jerick Cañada may 3.6 segundo sa laro.

Nagmintis lamang ng tatlong assists si Jeron Teng para sa panibagong triple double sa naiskor na 17 puntos at 13 rebounds.

Naisalpak ni Banal ang 3-of-6 sa three-point para sa kabuuang 12 puntos.

Nanguna si Rod Ebondo sa CEU sa naiskor na 20 puntos at 27 rebounds, dalawang boards ang layo para pantayan ang PBA D-League record na 29 na nagawa ni Jay-R Taganas noong 2015 Foundation Cup.

Nakuha naman ng Cignal HD ang bentahe sa Marinerong Pilipino sa hiwalay na semifinal duel nang maitarak ang 86-67 panalo.

Nagsalansan si Raymar Jose ng 17 puntos at walong rebounds mula sa bench para sandigan ang Hawkeyes.

“Thank you ako kay Raymar. I had to play him for the whole of the third quarter and he did his job for us,” sambit ni coach Boyet Fernandez.