MATINDI ang nararanasang heat wave sa Europa na nagpataas sa temperatura hanggang 41 degrees Celsius ngayong linggo.
Ang matinding init ay nagdulot ng pagliliyab ng kagubatan, pinsala sa mga pananim, at nakaapekto sa supply ng tubig sa France, Italy, Spain, Greece, Switzerland, Hungary, Poland, Romania, Serbia, Croatia, at Bosnia.
Sinabi ng mga meteorologist na hindi pangkaraniwan sa Europa na ang naturang taas ng temperatura ay tumagal nang ilang araw. Nagpalabas ang Spain ng emergency warning sa 31 sa 50 lalawigan nito laban sa temperaturang aabot sa 44 degrees. Kung ikukumpara, ang temperatura sa maraming dako ng Pilipinas ngayong weekend ay nasa 33-25 degrees.
Ang matinding init na nararanasan ngayon ng Europa ay pinaniniwalaan ng marami na bahagi ng climate change na gumigiyagis sa buong planeta ngayon. Ayon sa mga siyentista,ang pagtaas ng temperatura ay dulot ng tuminding carbon dioxide emissions mula sa mga industriya at planta sa mundo. Nagdulot ito ng matitinding pagbabago sa klima, gaya ng palakas nang palakas na mga bagyo, mas maraming ulan at matinding baha, bukod pa sa napakainit na tag-init.
Sa Paris Climate Change Conference noong Disyembre 2015, mahigit 150 bansa ang nagkasundo sa pandaigdigang pagsisikap na limitahan ang pagtaas ng temperatura sa mundo sa 2 degrees Celsius nang higit sa pre-industrial levels. Itiniwalag ni US President Donald Trump ang Amerika mula sa nasabing kasunduan, sa paniniwalang taliwas ito sa interes ng mga industriya sa Amerika, partikular na sa coal industry, kaya naman nawala sa Amerika ang posisyon ng pamumuno na matagal na nitong taglay sa iba’t ibang usaping pandaigdigan.
Dito sa Pilipinas, pinangangambahang dahil sa climate change ay matunaw ang polar glaciers at kalaunan ay patataasin nito ang dagat, kaya delikadong lamunin ng karagatan ang mga islang bansa na tulad natin. Batid na rin nating higit na naging malalakas ang mga bagyong nararanasan ngayon sa mundo.
May sampung taon na ang nakalipas nang mamulat ang mundo sa kaugnayan ng global warming sa mga pagbabago sa klima, makaraang ipalabas ni dating US Vice President Al Gore ang pelikulang “An Inconvenient Truth”. Ngayong linggo, inilabas naman niya ang “An Inconvenient Sequel” na kinapapalooban ng mga footage ng iba’t ibang matitinding kalamidad at trahedya, tulad ng Hurricane Sandy na nagpalubog sa baha sa New York City noong 2012. Pangunahing tampok sa pelikula ang bagyong ‘Yolanda’ na nagdulot ng daluyong sa Leyte at Samar noong 2013, at pumatay sa mahigit 6,000 katao.
Nakikiisa ang mga Pilipino sa mga tinig na gaya ng kay Gore sa pananawagan sa pinakamauunlad na bansa sa mundo, sa pangunguna ng Amerika at China, na limitahan ang kani-kanilang mga aktibidad na nagreresulta sa pagtaas ng pandaigdigang temperatura na tumutunaw sa mga polar glacier, nagpapataas sa karagatan, at nagdudulot ng heat wave, tulad ng nananalasa ngayon sa Europa.