Ni: Rommel Tabbad, Lyka Manalo, at Bella Gamotea
Niyanig ng 6.3 magnitude na lindol ang ilang bahagi ng Luzon, na naramdaman maging sa Metro Manila, bago mag-2:00 ng hapon kahapon.
Ayon kay Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) Director Renato Solidum, Jr., umuga ang Manila Trench na nagresulta sa pagyanig sa ilang parte ng Metro Manila.
Sinabi ni Solidum na natukoy ang epicenter ng lindol sa 16 kilometro sa Nasugbu, Batangas.
Naitala ang Intensity 4 as Calapan, Mindoro; Subic, Zambales; Rosario, Cavite; Maynila; at Sablayan, Occidental Mindoro.
Intensity 3 naman ang naramdaman sa Pateros, Quezon City, Makati, Malolos sa Bulacan, Cainta sa Rizal, at Calamba sa Laguna; Intensity 2 sa Magalang sa Pampanga, Tanauan City sa Batangas; habang Intensity 1 naman sa Talisay, Batangas.
Dahil sa lindol, sinuspinde kahapon ni Lian, Batangas Mayor Dr. Isagani Bolompo ang klase sa elementarya at high school sa munisipalidad.
“Ipinapa-monitor ko na kung may mga nasira o naapektuhan, pero as of now, wala pa namang reported damage sa Lian,” sinabi kahapon ni Bolompo sa panayam ng Balita.
Wala ring napaulat na nasaktan o napinsala ang lindol sa Batangas, ayon kay Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) chief Lito Castro, at idinagdag na suspendido rin ang mga klase sa bayan ng Calaca, na kalapit ng Lian.
Samantala, bahagyang nag-panic sa lindol ang mga taga-Southern Metro Manila, partikular sa Pasay, Taguig, Makati, at Pateros.
Naglabasan ang mga empleyado sa tatlong lungsod, gayundin ang mga estudyante ng Pasay City West High School at City University of Pasay (CUP).
Sinuspinde rin ng mga lokal na pamahalaan ang lahat ng klase sa Pasay, Taguig, at Pateros.