Ni JUN FABON
Patay ang isang matandang lalaki nang lamunin ng apoy ang 400 bahay sa Barangay Talayan, Quezon City kahapon.
Sa report ni Quezon City Fire Marshall Sr. Supt. Manuel M. Manuel, sumiklab ang apoy sa ikalawang palapag ng bahay ni Maricel Sugaban at mabilis na kumalat sa mga katabing bahay na sinisilungan ng 700 pamilya sa Calamba Extension, Bgy. Talayan, bandang 11:30 ng umaga.
Ayon kay Police Insp. Rosendo Cabillan, ng Bureau of Fire Protection (BFP), kinilala ang namatay na si Elpidio Dela Cruz na nagsasalba ng kanyang mga gamit sa bahay.
Umabot sa ikalimang alarma ang sunog at tuluyang naapula bandang 12:45 ng tanghali.
Ayon sa mga imbestigador, posibleng kandila ang sanhi ng sunog at kasalukuyang isinasailalim sa imbestigasyon ang umano’y drug user na si Ron-Ron na siyang anak ni Maricel.
Aabot sa P2.4 milyon ang halaga ng ari-ariang natupok.