TAMPOK sa kanyang unang pagganap sa Maalaala Mo Kaya ngayong gabi ang 40th Gawad Urian Best Supporting Actor na si Christian Bables bilang macho dancer na hindi tanggap ang kabuuan ng kanyang pagkatao.
Namulat si Ben (Christian) sa isang buhay na magulo at puno ng panghuhusga dala na rin ng mundong ginagalawan ng kanyang inang si Helen Vela (Gloria Diaz) at kapatid na si Princess Punzalan (Ritz Azul). Dahil palaging nakatutok sa kanila ang mga mata ng publiko, hindi niya naiwasan ang kaliwa’t kanang pangungutya tungkol sa kanyang pisikal na itsura lalo na ang kanyang pagiging anak sa labas na naging sanhi ng pagkawala ng kanyang tiwala sa sarili.
Gayunpaman, naging sandigan ni Ben ang kanyang pamilya sa lahat ng mga pagsisikap para matupad ang kanyang mga pangarap at pagsubok sa buhay.
Kaya tuluyang gumuho ang buhay ni Ben nang namatay ang kanyang ina. Sa labis na kalungkutan, tinalikuran niya ang kanyang mga kapatid. Sa kanyang pagpupumilit na mamuhay mag-isa, napadpad naman siya sa pagtratrabaho sa isang gay bar bilang macho dancer.
Sa panibagong landas na kanyang tinahak, nahanap kaya niya ang pagtanggap at atensiyon na inasam? Nagkaayos pa kaya sila ng kanyang mga kapatid?
Makakasama ni Christian sa episode mamayang gabi sina Ingrid dela Paz, Micah Javier, Alex Castro, Angelo Ilagan, JB Agustin, Kyline Alcantara, Nathaniel Britt, at Toby Alejar, mula sa panulat ni Shugo Praico at sa direksiyon ni Raz dela Torre. Ang MMK ay pinamumunuan ng Star Creatives COO na si Malou N. Santos.