ABANGAN ang kakaibang kuwento ng pagkakaibigan at pag-ibig sa 2016 Cinema One Originals Film Festival selection at Audience Choice awardee na Baka Bukas, bida sina Jasmine Curtis Smith at Louise delos Reyes, sa unang pag-ere nito sa Cinema One ngayong Linggo (Agosto 13).

Ang makulay na pelikulang ito mula sa direktor na si Samantha Lee ay tungkol kay Alex (Jasmine) na natutong mahalin ang kanyang pinakamatalik na kaibigan na si Jess (Louise). Isang gabi ang magpapabago sa lahat nang matuklasan ni Jess ang sekreto ni Alex at mapipilitan silang harapin ang totoong nararamdaman nila para sa isa’t isa.

Nakuha rin ng pelikula ang Best Actress award para kay Jasmine at Best Sound para kay Andrew Milallos mula sa Cinema One Originals filmfest. Kabilang sa cast sina Kate Alejandrino, Nelsito Gomez, at ang C1 BTS host na si Gio Gahol.

Nang maipalabas ito sa naturang filmfest at tumatak sa social media, ipinalabas rin ang Baka Bukas sa malalaking sinehan sa buong bansa nitong nakaraang Marso.

Lolit Solis, sad sa resulta ng eleksyon para kay Bong Revilla

Pinuri ni Cheekie Albay ng Cosmo.ph ang pelikula sa bagong pag-atake nito sa kakaibang kuwento ng pag-ibig. Aniya, ipinakita ng pelikula ang lesbian relationships bilang isang magandang samahan ng dalawang tao na parehong karapat-dapat magmahal at mahalin.

Natakanggap rin ng papuri si Samantha sa magandang pagkakagawa ng pelikula, bagamat ito ang kanyang directorial debut.

Ayon sa review ng Uglywriters.com, nagawang buuin ng direktor ang pelikula na malayo sa karaniwang kuwento ng pag-ibig na kadalasang napapanood sa mga sinehan. Ginawa rin niyang relatable ang mga karakter at ipinakitang sila ay makakatotohanan.

Makipagsapalaran para sa pag-ibig sa Baka Bukas sa Blockbuster Sunday ng Cinema One ngayong Agosto 13, 8 PM.

Mapapanood ang Cinema One sa SkyCable at Destiny Cable Digital Ch. 56, at Destiny Analog Ch. 37. Sundan ang Cinema One sa Facebook facebook.com/Cinema1channel para sa kumpletong schedule nito.