Ni Marivic Awitan
Magdilang-anghel po sana kayo Madam Cynthia.
SA nakalipas na limang edisyon ng Southeast Asian Games pawang kabiguan ang inabot ng Team Philippines sa overall team standings.
Ngayon, balik ang sigwa ng Pinoy athletes sa biennial meet at sa pagkakataong ito, kumpiyansa si Chief de Mission Cynthia Carrion ng gymnastics na malalagpasan ng delegasyon ang ikaanim na puwestong pagtatapos sa nakalipas na edisyon sa Singapore may dalawang taon na ang nakalilipas.
“I think we’re tired of finishing out of the top three,” pahayag ni Carrion matapos ang isinagawang ‘send-off’ para sa Team Philippines Huwebes ng gabi sa Center for International Trade Expositions and Missions sa Pasay City.
Lagapak ang Pilipinas sa ikaanim na puwesto sa Singapore edition tangan ang 29 ginto, 36 silver at 66 bronze medal.
“We’re up against the best in the region. I think we already passed the Malaysia, Indonesia, and Thailand in terms of GDP. “So maybe we can do the same in sports, and we should really do that,” pabirong pahayag ni Carrion.
Kumpiyansa si Carrion sa kanyang prediksyon na makakaya ng atletang Pinoy na makapagwagi ng 50 ginto sa Kuala Lumpur, Malaysia. Nakatakda ang SEA Games sa Agosto 19 hanggang 30.
“I say around 50, but when I talked to all the athletes they promised me atleast 63 but I just want to say 50,” pahayag ni Carreon. “I feel we’re going to reach the target.”
Pinangunahan nina Philippine Olympic Committee (POC) president Jose ‘Peping’ Cojuangco at Philippine Sports Commission (PSC) chairman William ‘Butch’ Ramirez ang pagbibigay ng mensahe sa mga atleta na may kabuuang bilang na 493.
“When you go out there, don’t forget, we are Filipinos. We are sportsmen, you have full of guts to win the competition,” pahayag ni Cojuangco.
Iginiit naman ni Ramirez sa mga atleta na huwag sayangin ang pagkakataon na mapabilang sa Team Philippines at iwagayway ang bandila ng bansa bilang simbolo ng isang nagkakaisang lahi.
“It’s not only about the gold. It’s not only about the score. It’s the way you fight, and you fight there, you bring every Filipino in the boxing ring or in the track oval. That’s the spirit of the Filipino,” sambit ni Ramirez.
Ayon kay Ramirez, naglaan ang pamahalaan ng mahigit P300 milyon sa pagsasanay, paghahanda at international exposure ng mga atleta bago ang pagsabak sa SEA Games.
Ipinakilala rin si Rio Olympic taekwondo bet Kirstie Elaine Alora bilang ‘flag bearer’ ng bansa sa opening parade sa Agosto 19 sa Bukit Jalil National Stadium sa Kuala Lumpur.