Ni: Orly L. Barcala

Idiniretso sa selda ang isang barangay tanod sa pagbibitbit ng baril nang walang kaukulang dokumento sa Caloocan City, kamakalawa ng hapon.

Illegal possession of fire arm and ammunitions ang isinampang kaso laban kay Jaime Mendones, 68, ng Block 31-B, Lot 3, Phase 3 F1 Dagat-Dagatan ng nasabing lungsod.

Nakuha mula kay Mendones ang isang “Magnum 357” smith and wesson na kargado ng limang bala.

Romualdez, nanawagan sa Kamara: 'Let us reject baseless accusations!'

Ayon kay Police Supt. Jose Ali Duterte, head ng Northern Police District-Special Operation Unit (NPD-SOU), nakatanggap siya ng tawag mula sa isang concerned citizen tungkol sa armadong lalaki na nakatayo sa kanto ng Pampanos at Tanigue Street, bandang 5:45 ng hapon.

Agad rumesponde sa lugar ang mga tauhan ni Duterte at natiyempuhan si Mendones na may nakasukbit na baril sa bewang.

Dahil walang maipakitang kaukulang dokumento sa bitbit na baril, idiniretso sa presinto si Mendones.