Ni: Edwin Rollon
PINAIIMBESTIGAHAN ni Philippine Sports Commission (PSC) Commissioner Ramon ‘El Presidente’ Fernandez ang umano’y pagmamanipula sa lagda ng mga national athletes sa ‘petition paper’ ng Philippine Olympic Committee (POC) para pakiusapan ang Pangulong Duterte na bawiin ang desisyon sa pagatras sa SEAG hosting sa 2019.
Ayon sa kanyang FB message, sinabi ni Fernandez na nakatanggap siya ng reklamo mula sa ilang coach at atleta na nagsasabing nakita daw ang kanilang mga pangalan na pirmado sa naturang ‘petition paper’.
“Comsh Fernandez, I am told there is a petition going around addressed to the Phil President initiated by the POC to reinstate hosting of the Sea games in 2019. We are told our head coach signed the petition our behalf. We have no knowledge of such signing and it is not authorized worst He denied doing so therefore that signature was forged. We support PSC stand on its withdrawal for reasons stated and to add for lack of confidence in the ability of POC leadership to deliver,” reklamo ng isang atleta kay Fernandez.
Sinabi ni Fernandez na isa umanong nationals sports association (NSA) ang nagtapat sa kanya na pipirma sa naturang ‘petition paper’ kung ipapangako ng POC na ang hahawak ng budget ay ang PSC at hindi ang mga opisyal na magpahanggang ngayon ay hindi na nakapagli-liquidate ng naturang pondo na ginamit sa 2005 SEAG hosting.
Walang tinukoy na pangalan si Fernandez, ngunit batay sa impormasyon, nakabinbin ang kasong graft sa Ombudsman kay dating Bacolod City Mayor Monico Puentevella bunsod ng kabiguang ma-liquidate ang P27 milyon na pondo ng Bacolod SEA Games Organizing Committee (BASOC), habang inutusan ng Commission on Audit (COA) si POC president Jose ‘Peping Cojuangco na ibalik ang P27 milyon na hindi na-liquidate mula sa pondo ng Philippine SEAG Organizing Committee (Philsoc).
“Sana yung mga athletes natin in SEAG 17 has his corrupt spirit ... I mean fighting spirit!,” sarkastikong pahayag ni Fernandez.