Ni: Mary Ann Santiago
Dahil sa magkakasunod na pagtaas ng presyo ng gasolina, plano ng isang transport group na humirit ng P1 dagdag-pasahe.
Ayon kay Philippine Confederation of Drivers and Operators-Alliance of Concerned Transport Organizations (PCDO-ACTO) President Efren de Luna, mula sa P8 minimum fare ay nais nilang itaas sa P9 ang pasahe sa mga pampasaherong jeep.
Sinabi ni De Luna na halos wala nang kinikita ngayon ang mga driver dahil bukod sa mataas na presyo ng gasolina, mahal na rin ang mga piyesa ng sasakyan at nabawasan na rin ang pamamasada bunsod ng mabagal na daloy ng trapiko.
“Humingi kami ng piso (dagdag-pasahe). Ito ang napagkaisahan ng aking grupo dahil halos wala na silang (drivers) kinikita, dahil sa walang humpay na sunud-sunod na pagtaas ng presyo ng langis,” pahayag ni De Luna.
Sa nakalipas na mga araw ay sunud-sunod ang pagtataas ng presyo ng petrolyo, dahilan upang umabot sa mahigit P32 ang kada litro ng diesel.
Ihahain ng PCDO-ACTO ang kanilang petisyon sa susunod na linggo.