Ni: Ric Valmonte
AYON kay Philippine National Police (PNP) chief Ronald dela Rosa, hindi pa niya alam kung saan ilalagay si Police Chief Insp. Jovie Espenido.
Mayroong mga opisyal, aniya, ng local government unit na humihiling sa kanya na sa kanilang lugar ito idestino.
Marahil ang mga nagnanais na ito ay maging pinuno ng kanilang pulisya ay dahil hindi masawata ang ilegal na droga sa kanilang nasasakupan. Paano kasi, ipinagmamalaki ni Dela Rosa na nang ilipat si Espenido sa Ozamis City, malaki ang ibinagsak ng aktibidad ng droga rito. Kaya, isa siya sa mga pinarangalan nitong Miyerkules. Bago pa nangyari ang operasyon laban sa droga na ikinamatay ng 16 na katao, na kinabibilangan ni Ozamis Mayor Reynaldo Parojinog, Jr., at kanyang maybahay at kapatid, nasa listahan na si Espenido sa mga pararangalan dahil sa naiambag niya sa war on drugs, ayon kay Dela Rosa.
Si Espenido ay police commander ng Albuera, Leyte nang mapatay si Albuera Mayor Rolando Espinosa, Jr. sa sub-provincial jail sa Baybay City kung saan siya ay nakakulong sa salang drug trafficking. Nanlaban umano siya nang isilbi sa kanya ang search warrant sa selda niya mismo. Pero, wala umanong kaugnayan si Espenido sa naganap na operasyon. Ang lumabas na responsable rito ay ang Crime Investigator and Detection Group (CIDG) sa pangunguna ng hepe nitong si Sr. Supt. Marvin Marcos.
Ngunit, kung walang kinalaman si Espenido sa nangyaring anti-drug operation laban kay Mayor Espinosa, bakit siya inilipat sa Ozamis City? Siya ngayon ang nanguna sa anti-narcotics operation laban sa mga Parojinog. Istilong Espinosa rin. Hatinggabi nang isilbi ng grupo ni Espenido ang search warrant, pero sinalubong umano sila ng putok.
Kaya, wala silang nagawa kundi ang gumanti na ikinasawi nga ng 16 na katao. Hinahanapan na naman ni Dela Rosa si Espenido ng paglulugaran nito. Baka kailangan pa niyang repasuhin ang listahan ng “narcopoliticians” ni Pangulong Digong bago siya makahanap ng panibagong lugar na pagtatalagahan niya kay Espenido. Si Mayor Parojinog at anak niyang si vice-mayor ay pinangalanan ng Pangulo noong isang taon bilang mga “narco-politician”. Samantalang si Mayor Espinosa, bago siya mapatay, ay pinagsuspetsahang sangkot sa droga dahil ang kanyang anak na si Kerwin ay kilalang drug lord sa Eastern Visayas. Dapat nang matakot ang sinumang pulitikong pagdadalhan ni Dela Rosa kay Espenido lalo na kung siya ay nasa listahan ng mga “narco-politician” ni Pangulong Digong. Lubusan ang pananalig ng Pangulo sa listahan niyang ito. Ang nilalaman nito ay nakalap ng iba’t ibang intelligence agency ng gobyerno na higit na mataas sa rule of law, presumption of innocence, at human rights.