NI: Jun Fabon
Pinasok ng “Akyat-Bahay” ang condo unit ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) spokesperson Celine Pialago sa Quezon City, kahapon ng madaling araw.
Mula sa basement, mapapanood sa closed-circuit television (CCTV) camera ang pagpasok ng lalaki, nakasuot ng boxer shorts, itim na t-shirt at tsinelas, sa gusali ngunit nakahalata ito at umiwas sa mga camera.
Pagsapit sa ikatlong palapag ng gusali, hindi na nakaiwas ang suspek sa camera at nakunan ang panloloob nito sa kuwarto ni Pialago.
Himbing na himbing ang biktima at kanyang kapatid kaya hindi nila napansin ang pagpasok ng suspek na posibleng nasungkit ang kandado.
Tinangay ng suspek ang cell phone at wallet, na may lamang P15,000, ni Pialago.