MARAMI ang nakukulangan sa joint communiqué ng mga foreign minister ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) tungkol sa agawan sa teritoryo sa South China Sea.

Walang nabanggit na anuman tungkol sa desisyon noong nakaraang taon ng Permanent Court of Arbitration sa Hague sa UN Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) na nagbasura sa iginigiit na soberanya ng China sa halos buong South China Sea. Simula nang angkinin, nakapagtayo na ang China ng mga installation, kabilang ang mga runway, sa ilang isla at maliliit na isla na inaangkin din ng Pilipinas, Vietnam, Malaysia, at Brunei.

May nabanggit sa ASEAN communiqué tungkol sa panukalang Code of Conduct (COC) sa South China Sea, na layuning mapanatili ang kapayapaan sa rehiyon sa pamamagitan ng pag-iwas na gumawa ng anumang hakbangin na makapagpapalala sa alitan. Subalit wala pang COC. Ang pinagkasunduan ng mga ASEAN minister at ng China ay ang pagpapatibay ng balangkas na makatutulong sa kanila upang masimulan na ang mahalagang negosasyon sa mga aktuwal na probisyon ng COC. Ngunit maging ang babalangkasing Code of Conduct na ito, giit ng China, ay hindi dapat na legal na nakapagbubuklod.

Sa sarili nilang joint communiqué, pinuna ng mga foreign minister ng Amerika, Japan, at Australia ang “land reclamation, construction of outposts, militarization of disputed features” — na pawang tumutukoy sa mga huling aktibidad ng China sa South China Sea na una nang iprinotesta ng iba pang mga bansang umaangkin din sa mga isla at itinuturing ng Amerika na banta sa malayang paglalayag.

Napaulat na nais ng Vietnam ng mas agresibong ASEAN communiqué sa pagtatapos ng kanilang pulong sa Maynila ngayong linggo, ngunit pinili ng iba pang bansa sa ASEAN, partikular ang Cambodia, ng hindi nagkukumprontang paninindigan laban sa China.

Ito rin ang paninindigan ng Pilipinas sa ilalim ni Pangulong Duterte, chairman ng ASEAN sa ika-50 anibersaryo nito ngayong taon. Binigyang-diin ng Pilipinas na naninindigan tayo sa desisyon ng Arbitral Court laban sa pag-angkin ng China sa South China Sea, ngunit hindi ito ang tamang panahon upang hamunin ang China.

Mistulang ito rin ang pananaw ng iba pang bansang ASEAN, kaya naman napakapositibo ng joint communiqué na inaprubahan ng mga foreign minister nitong Sabado. Tunay na kulang sa maraming aspeto ang pinag-isang pahayag, ngunit natitiyak nating sa tamang panahon ay maisasaayos ang lahat.