NI: Francis T. Wakefield

Inanusiyo ng militar ang pagkakaaresto sa apat na pinaghihinalaang miyembro ng New People's Army (NPA) na noo’y ibinabyahe ang mga baril at bomba, sa isang operasyon sa Davao Oriental, Martes ng gabi.

Tinukoy ni Lt. Col. Ramon Zagala, ang commander ng Army's 28th Infantry Battalion ang apat na rebelde na kasama sa Section Committee 18 ng Southern Mindanao Regional Committee (SMRC), na sina Jerome Jaquin Apyag alias Santilmong Bakang, 25, walang asawa at residente ng Masar Panurava, Maco, Compostela Valley Province; Jerman Andress, alias Has, 22, walang asawa at residente ng Sta. Cruz, Dvao Del Sur; Eking Artchie alias Bunso, 18, residente ng Barangay Langka, Lupon, Davao Oriental; at isang alias Bolantoy, 16, residente ng Mati, Davao Oriental.

Base sa mga report na natanggap ni Zagala, aniya, iniulat na ibinabyahe ng apat ang mga patalim at bomba mula sa Mati papuntang Lupon sakay ng Red Kia Bongo, nang harangin ng mga miyembro ng scout platoon ng 28th IB, 10th Infantry Division, ang kanilang sasakyan.

Probinsya

Truck na naghatid ng mga balota sa Bukidnon, nahulog sa bangin; isa patay!

Tumangkang tumakas ang mga suspek na hinabol ng mga militar ngunit agad din namang nakorner sa kahabaan ng Brgy. Dugmanon, San Isidro, Davao Oriental dakong 11:45 ng gabi nitong Martes.

Nakumpiska mula sa mga rebelde ang apat na M16 rifle, isang M203 grenade launcher, isang improvised explosive device, 89 M16 ammunition, isang M203 Ammo, tatlong mahahabang Magazine para sa M16 (bakal), dalawang maikling Magazine para sa M16 (bakal), isang mahabang Magazine para sa M16 (plastic), dalawang maikling Magazine para sa M16 (plastic), 11 Motorola radyo, isang digital camera, tatlong cellphone, tatlong duyan, apat na back packs, dalawang bandoleer, dalawang combat boots, medical paraphernalia, ibat ibang gamot, subersibong mga dokumento na may mataas na intel value at cash na nagkakahalaga ng P1,926.

Dinala na ang apat sa San Isidro Philippine National Police (PNP) para sa imbestigasyon at kinasuhan ng illegal possession of firearms and explosives.