Ni: Celo Lagmay
SA kabila ng matatalim na patutsada ni Pangulong Rodrigo Duterte sa US government at sa mga opisyal nito, lalo na kay Ex-President Barack Obama, ayaw kong maniwala na tototohanin ng ating Pangulo ang kanyang pahayag: “I will never go to the ‘lousy’ United States”. Ang naturang paninindigan ay bunsod ng banta ni Massachusetts Rep. James McGovern na magpoprotesta siya kung itutuloy ni Pangulong Donald Trump ang kanyang imbitasyon sa ating Pangulo upang bumisita sa US.
Hindi miminsang binigyang-diin ng Pangulo na hindi siya yayapak sa America sa panahon ng kanyang panunungkulan o kahit na kailan pagkaraan nito. Hanggang ngayon, hindi niya mailihim ang kanyang galit sa United States na itinuturing pa naman nating pinakamatagal na kaalyado ng Pilipinas.
Nauunawaan ko ang hindi kumukupas na panggagalaiti ng Pangulo sa America; bunsod ito ng panghihimasok ng mga Kano sa kanyang pamamalakad. Sinasabing talamak ang paglabag sa karapatang pantao dahil sa sinasabing extra-judicial killings (EJKs) kaugnay ng maigting na kampanya laban sa illegal drugs. Totoo na maraming users, pushers at illegal drug lords ang napapatay, lalo na kung sila ay nanlalaban sa mga nagpapatupad ng Tokhang— ang kampanya na naglalayong puksain ang mga sugapa sa ilegal na droga.
Totoong hindi dapat pangunahan si Pangulong Duterte sa lahat ng kanyang mga desisyon kaugnay ng kanyang pamamahala.
Kabilang na rito ang kanyang pagbisita sa iba’t ibang bansa, lalo na sa United States.
Subalit isang malaking pagtalikod sa kultura ng pagtanaw ng utang-na-loob kung hindi isasaalang-alang ng ating Pangulo ang pagtanggap sa imbitasyon ni Trump, lalo na kung iisipin na ang US president ay nakatakdang bumisita umano sa Pilipinas sa Nobyembre ng taong ito. Ipinahiwatig ito ng ating bagong Ambassador sa US.
Sa kabila ng masasalimuot na pangyayaring namamagitan kay Pangulong Duterte at sa ilang lider ng America, naniniwala ako na hindi nagbabago ang ... mainam na relasyong PH-US. Kapwa ito nagpapahalaga sa Mutual Defense Treaty, lalo na sa panahon ng mahigpit na pangangailangan. Kamakailan lamang, ang US ay nagpadala sa atin ng dalawang Cessna 208B aircraft na magagamit sa pagsubaybay sa mahahalagang lugar at iba pa. Katakut-takot ding armas at bala ang ipinagkaloob sa atin ng mga Kano bilang bahagi ng ating pakikidigma sa teroristang Maute Group. Marami pang ayuda ang natitiyak kong ipadadala ng ating US Big brother.
Bilang pagtanaw ng utang-na-loob, hindi kaya marapat lamang tanggapin ni Pangulong Duterte ang imbitasyon ni Pangulong Trump?