NI: Aris Ilagan

UMABOT na naman ang kontrobersiya ng operasyon ng mga transport network vehicle service (TNVS) sa Senado.

Nitong nakaraang linggo, ginisa ng magigiting nating senador ang mga opisyal ng Uber at Grab, ang dalawang pangunahing TNVS company sa bansa.

Ang isyu—dapat bang ipatigil ng gobyerno ang operasyon ng mga TNVS dahil walang prangkisa ang mga ito?

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Nangangamba ang mga opisyal ng pamahalaan na hindi sinasaklaw ng mga regulasyon at batas ang operasyon ng Uber at Grab kaya pumapalag hindi lamang ang pangasiwaan ng mga ito kundi maging ang mga netizen na tumatangkilik dito.

Bukod sa mga opisyal ng Uber at Grab, lumantad na rin ang tanyag na motoring journalist na si James Deakin upang ilatag ang kanyang sentimyento hinggil sa mga TNVS.

Hindi naman itinago ni Deakin na kumikiling siya sa mga Uber at Grab dahil, aniya, malaking tulong ito sa mga commuter na araw-araw nagdurusa sa kakulangan ng mga pampublikong sasakyan, palpak na serbisyo ng LRT at MRT, at mga barubal na taxi driver.

Saan ngayon pupuwesto ang mga commuter habang mainit ang debate hinggil dito?

Habang nagpapapogi ang mga senador at kanilang resource speaker sa harap ng telebisyon, nagdurusa naman ang mamamayan sa pakikipagsiksikan sa mga bus, jeepney at MRT.

Oo nga’t maganda ang layunin ng Uber at Grab. Malaki ang naitutulong nito upang maging maginhawa ang biyahe ng mga commuter dahil halos mga bago at makikinis ang inyong mga ipinapasadang sasakyan. Subalit kung ating kikilatisin, mistulang walang balak sumunod sa patakaran ng gobyerno itong mga TNVS.

Noong una pa lang, alam na nilang itinigil ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang pagbibigay ng prangkisa sa Uber at Grab dahil wala pang malinaw na polisiya na sumasaklaw sa mga ito.

Simula pa man ay wala naman talagang itinakdang regulasyon para sa mga ito.

Subalit sa halip na maghintay muna sa paglabas ng tamang regulasyon sa mga TNVS, ipinagpatuloy ng Uber at Grab ang kanilang operasyon kaya lumobo ang kanilang bilang na ngayo’y aabot na sa daang libo.

Kanya-kanyang dahilan, kanya-kanyang palusot.

Mga katoto, isipin n’yo lang lagi ang kapakanan ng mga commuter. Huwag na tayong magpaikot-ikot. Hintayin nating matapos muna ang binabalangkas na regulasyon ng gobyerno bago tayo magdadadakdak.

Kung tutuusin, pansamantalang pinayagan ng LTFRB na makabiyahe ang Uber at Grab units at hindi nito ipinatupad ang memorandum order na unang inilabas ng ahensiya hinggil dito.

Kaya relax muna tayong lahat. Huminga tayo nang malalim!