Ni VANNE ELAINE P. TERRAZOLA

Nanawagan si Senator Grace Poe ng masusing imbestigasyon sa pagpatay kamakailan sa dalawang mamamahayag sa Mindanao, kabilang ang correspondent ng Balita na si Leo P. Diaz.

Kinondena ni Poe ang pamamaslang kina Diaz at Rudy Alicaway, na kapwa binaril ng riding-in-tandem sa magkahiwalay na insidente sa Sultan Kudarat at Zamboanga del Sur, ayon sa pagkakasunod, nitong Linggo.

“The incidents bring to fore the violence and culture of impunity in the attacks against Filipino journalists,” saad sa pahayag ni Poe. “The people are counting on the police and law enforcers to keep our streets safe; that criminals will be immediately hunted down and prosecuted.”

Probinsya

OFW na hinoldap, inundayan ng saksak sa terminal sa Maynila, nakauwi na ba sa pamilya?

Bukod sa pulisya, hinimok din ni Poe ang Presidential Task Force on Media Security upang aksiyunan ang dalawang bagong kaso ng pagpatay sa miyembro ng media.

Si Diaz, mahigit limang taon nang correspondent ng Balita at kolumnista ng lokal na pahayagang Sapol News Bulletin, ay nasawi sa tama ng bala sa ulo nitong Linggo ng umaga habang sakay sa motorsiklo galing sa kanyang bahay sa President Quirino, Sultan Kudarat.

Pauwi naman si Alicaway, anchor ng lingguhang programa sa radyo, sa bayan ng Molave sa Zamboanga del Sur nang pagbabarilin siya ng riding-in-tandem.

Hindi pa tukoy ng pulisya sa ngayon kung may kinalaman sa trabaho nina Diaz at Alicaway ang pamamaslang sa kanila.