Ni: Erik Espina
ANG tumataas na singil sa kuryente, bayarin sa tubig, presyo ng petrolyo at ng iba pa ang ilan sa pangunahing dahilan kung bakit hindi ganap maramdaman ni Juan de la Cruz na umusad ang kanyang buhay kumpara sa ibang bansa sa Asya.
Ang nabanggit na signos ng mga nakatenggang suliranin, na kung haharapin at aayusin, ay may epekto sa antas ng pamumuhay ng bawat Pilipino.
Magkaiba ang mga nabanggit kumpara sa agad-agad na mga suliranin ng bansa; halimbawa sa West Philippine Sea at China, kahinaan ng depensa at sandatahan, industriya at drug syndicate, pangungulimbat sa pamahalaan, kriminalidad, terorismo, smuggling, tinaguriang mga “rice, sugar, garlic cartel”, kawalan ng industrialization program, pagsisikip ng mga lungsod, pagmimina, pagsira sa kapaligiran, karagatan, kabundukan at iba pang maaaring banggitin.
Itong apat – kuryente, tubig, gasolina, at tawag/text, babala na iilan lang na negosyante at pamilya ang may monopolyo sa mga dapat ay serbisyo-publiko at tungkulin ng pamahalaan. Hindi mainam sa kalusugan ng ekonomiya, at higit sa demokrasya, na kadalasang nabibiyayaan at nakakapamihasa sa ganitong malakihang raket, sila-sila lang palagi. Puro matutunog na apelyido kadalasan. Mga pribadong mamumuhunan na sumisiping sa isa’t isa, kasama ang mga tiwaling pulitiko, upang mapalawig o makapagkamal ng karagdagang kontrata, negosyo, atbp.
Sa kuryente, Pilipinas ang pinakamahal sa Asya kung hindi sa mundo. Sino’ng dayuhang mangangalakal ang interesado sa ganitong siste? Nilalanse pa tayo. Imbes tubo nila ang... ipuhunan upang gumanda ang serbisyo, tayo pa ang ginigisa sa sariling mantika. Konek nila sa mga regulatory board, palasyo o dating mga pangulo ang ‘Kalbaryo’ ng bayan. Dapat rebisahin ang kontrata ng mga ito, pagmultahin o bawiin ng gobyerno. Sa gasolina, ayusin ang Oil Deregulation Law at magtayo ng pambansang korporasyon sa petrolyo. Gayundin, sa text at tawag. Gobyernong korporasyon sa telecom ang dapat itatag para sa mas mura at mabilis na serbisyo. Mantakin mo, sa Internet pa lang, kulelat ang Pilipinas sa Asya-Pasipiko (5.5 megabits per second) kumpara sa South Korea (28.8 mbps), Malaysia (8.9 mbps), Vietnam (9.5 mbps), Thailand (16 mbps), at Indonesia (7.2 mbps). Sawsawan lang nila tayo.