Ni: Reggee Bonoan

PATULOY na gumagawa ng kasaysayan sa larangan ng indie film at local movie industry sa kabuuan ang pelikulang Kita Kita.

Sa ikatlong linggo nito sa mga sinehan ay kumabig na ito ng P300M sa Pilipinas pa lang, wala pa ‘yung international screenings nila sa napakaraming venue tulad ng San Francisco, Las Vegas, Chicago, New Jersey, Florida, Sacramento, Hawaii, Seattle –Tacoma, Los Angeles, Washington, Dallas, Houston, Guam, Alaska, Arizona, Gravepine, Pflugerville at San Diego.

EMPOY AT ALESSANDRA copy

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

Abut-abot ang pasalamat ng buong team ng Spring Films sa mga sumuporta dahil kahit na napirata na ito ay patuloy pa rin itong dinudumog at pinapanood sa mga sinehan.

Post ng isa sa Spring Films producer na si Erickson Raymundo, “300 MILLION na ang Kita Kita! May himala! Totoong may himala! Naramdaman at kitang-kita namin ang himala. Honestly, our faith goal was to make 60-80 Million but if our movie will just hit 30 Million at the box office, we will still be happy. From 2 Million gross on our first day to 300 Million on our 3rd week, I don’t how how you call it but for me it’s definitely a miracle. Kita Kita is now the highest grossing independently produced movie in the Philippines. Maraming salamat, Kabayan! Maraming salamat Panginoon. #KitaKita”

As of press time, hindi pa plantsado ang follow-up project ng AlEmpoy love team dahil bisi-bisihan ang lahat ng taong involved sa pelikula lalo na si Bb. Joyce Bernal na kaliwa’t kanan ang ginagawang pelikula. Wala naman sa bansa si Erickson dahil may shows sa Amerika ang mga alagang sina Iñigo Pascual at Sam Milby. Si Piolo Pascual naman ay abala sa pelikula nila ni Toni Gonzaga na mapapanood na sa Setyembre at ang ibang staff ay abala sa kaliwa’t kanang corporate shows ng Cornerstone artists.

Sabi nga ni Direk Joyce, “Hihinga muna kami, kasi hindi pa kami makapag-isip kasi dito nga sa Kita Kita, so hindi pa kami nakakapag-meeting.”

Nabanggit din ng direktora na pagkalipas ng anim na buwan ay saka pa lang nila makokolekta ang earnings ng Kita Kita kaya silang mga producer at production staff ng pelikula ay hindi pa nakatanggap ng bonus maliban sa dalawa nilang artista na sina Alessandra de Rossi at Empoy Marquez na tuwang-tuwa dahil hindi nila inakalang kikita ng malaki at mabibigyan sila ng bonus.

Tinanong nga namin ang handler ni Alessandra na si Mac Merla kung maibibili na ng aktres ng plane tickets ang mama at mga kapatid nito pauwing Pilipinas para mapanood ang Kita Kita.

“Wala naman sa plano na umuwi ang parents niya kasi kakauwi lang ng mommy niya late last year, kaya isi-save na lang niya,” sagot ni Mac.

Wise decision dahil puwedeng i-invest ng aktres ang bonus niya o idagdag sa plano niyang pagpo-produce ng pelikula na siya mismo ang sumulat at magdidirek.