SA dalawang pulong ngayong linggo, pinagsikapang kumbinsihin ang North Korea na talikuran na ang nuclear missile program nito, na ayon sa ilang beses na nitong inihayag, ay nakalaan sa Amerika.
Sa United Nations (UN), nagkakaisang bumoto nitong Sabado ang Security Council para ipagbawal ang pangunahing pagluluwas ng North Korea ng coal, iron at iron ore, lead at lead ore, at lamang-dagat, dahil sa patuloy nitong paglabag sa mga resolusyon ng UN laban sa testing ng mga missile at nukleyar na armas. Dahil sa UN sanctions, mababawasan ng mahigit sangkatlong bahagi ang $3 billion na kinikita ng North Korea sa mga iniluluwas nitong produkto.
Sa Maynila, kung saan dumalo sa security forum ang mga foreign minister ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN), hinarap ni Chinese Foreign Minister Wang Yi si North Korean Foreign Minister Ri Hong-Yo at hinimok ang North na tigilan na ang mga missile testing nito. Hiniling naman ni US Secretary of State Rex Tillerson, na dumalo rin sa forum, ang tulong ni Chinese Minister Wang at Russian Foreign Minister Sergei Lavrov.
Hindi ito ang unang pagkakataon na inaprubahan ng UN ang mga sanction laban sa North Korea dahil sa programang nukleyar nito; ang una ay noong 2006. Subalit hindi naging matagumpay ang mga UN sanctions na mapigilan ang isinasapubliko pang testing ng North Korea ng mga nuclear warhead at missiles nito, na ayon sa North ay kaya nang umabot sa mismong Amerika.
Nagawa naman ng North Korea na ipagpatuloy ang pagluluwas ng mga produkto sa pangunahing kaalyado nito, ang China.
Ito ang dahilan kaya nakatutok ang Amerika sa pagkumbinse sa China na himukin ang North Korea na tigilan na ang missile testing nito. Naniniwala ang Amerika na hindi mararamdaman ng North Korea ang matinding epekto ng UN sanctions hanggang hindi pinahihinto ng China ang mga kumpanya nito sa pakikipagkalakalan sa North.
Posibleng inaasahan na ang bagong UN sanctions ay hindi magtatagumpay gaya ng mga nauna, binigyang-diin ni National Security Adviser H. R. McMaster na bukas ang Amerika sa lahat ng pagpipilian.
Magtatagumpay kaya ang UN sanctions — o ang diplomatikong mga pagsisikap ng China — na mapigilan ang North Korea?
Malaki ang posibilidad na hindi, kung ikokonsidera ang mga ginagawa at mga naging desisyon ng North sa nakalipas.
Sakali man, posible kayang maglunsad ng military strike ang Amerika, ngayon ay pinamumunuan ni President Donald Trump, laban sa North?
“It would be a very costly war, in terms of… in terms of the suffering of mainly the South Korean people,” sabi niya.
Natural lamang na maging diplomatiko siya, dahil maraming tao — pangunahin ang mga North Korean, ang Amerika at ang mga kaalyado nito sa rehiyon — ang tiyak na madadamay sa gulo at kalaunan ay magdurusa. At hindi ito isang pangkaraniwang digmaan lamang. Kung pagbabatayan na rin ang paulit-ulit na pahayag ng North Korea na maglulunsad ito ng mabilisang — bagamat limitadong — digmaang nukleyar.