Ni FER TABOY

Kinumpirma kahapon ng pulisya na apat na kalansay ng tao ang nahukay ng pulis at mga opisyal ng barangay sa isang dating minahan ng ginto sa Barangay Capucao, Ozamiz City, Misamis Occidental.

Ayon kay Ozamiz City Police Office (OCPO) Chief Insp. Jovie Espenido, apat na bangkay ng hinihinalang biktima ng summary execution ang nahukay sa Brgy. Capucao.

Batay sa impormasyon na nakarating sa pulisya mula kay Benjamin Eubitay, chairman ng Brgy. Capucao, mahigit 20 taon na ang nakalipas nang huling hukayin ang lugar, na noon ay inakalang may nakadepositong ginto.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

May lalim na 10 talampakan, sinabi ni Eubitay na matapos ang ilang taong paghuhukay ay walang nakuhang ginto sa lugar ngunit iniwan lang itong nakatiwangwang.

Dahil dito, pinaniniwalaan ngayon na ginawang tapunan ng mga sina-salvage ang nasabing hukay sa kanilang lugar.

Isang dating miyembro ng civilian volunteer organization (CVO) ang nagbigay ng tip sa mga awtoridad na mayroon umanong mga bangkay na itinapon sa nasabing hukay.

Pinangunahan ni Espenido ang paghuhukay sa nasabing lugar, na pinaniniwalaang libingan ng mga biktima ng salvaging umano ng pamilya Parojinog.

Batay sa report ni Espenido, kabilang sa mga nasamsam sa hukay ang apat na damit, mga lubid, sinturon, suklay, at mga tsinelas.

Isinasailalim na sa pagsusuri ng pulisya ang apat na kalansay at inaalam kung sinu-sino ang papanagutin kaugnay ng natuklasang mga buto ng tao.