Ni: Lyka Manalo
IBAAN, Batangas – Napasakamay ng mga awtoridad ang isang 34-anyos na lalaki makaraang maaresto sa entrapment operation matapos na ireklamo ng extortion ng dalawang babae sa Ibaan, Batangas.
Nasa kustodiya ng pulisya ang suspek na si Roel Delos Reyes, construction worker, taga-Barangay Matala, Ibaan.
Ayon kay Ibaan Police chief, Senior Insp. Recaredo Dalisay, inireklamo ang suspek nina Liezel Esguerra, 23; at Khareen Buron, 21 anyos.
Nabatid na tinakot umano ni Delos Reyes si Esguerra na sasabihin sa live-in partner ng huli na may relasyon sila, habang pinagbantaan din niya si Buron na ibubulgar sa karelasyon nito na may kalaguyo ang babae.
Nanghihihingi umano ng P2,000 ang suspek sa mga biktima kapalit ng kanyang pananakot, hanggang sa maaresto dakong 4:00 ng hapon nitong Lunes.