Nina ANNA LIZA VILLAS-ALAVAREN at ELLALYN DE VERA-RUIZ

Pinabulaanan ang ulat na magkakaroon ng krisis sa basura sa Metro Manila, sinabi ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na mayroon pang sanitary landfill sa Navotas at Rizal na maaaring pagtapunan kasunod ng pansamantalang pagsasara ng Payatas dumpsite sa Quezon City.

Sinabi ni Jojo Garcia, chief of staff ni MMDA Chairman Danilo Lim, na mapakikinabangan ang dalawang nabanggit na tambakan hanggang sa 2037.

“There is no need to panic yet. The two other landfills can accommodate Metro Manila’s garbage for the next fifteen to 20 years,” pagtitiyak ni Garcia.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Sa pakikipag-ugnayan sa iba pang lokal na pamahalaan, sinabi ni Garcia na pumayag din si Manila Mayor Joseph Estrada na pahintulutan ang mga truck na magbiyahe ng basura mula sa Quezon City patungong Navotas sa pagdaan sa pier area ng Maynila simula 11:00 ng gabi hanggang 5:00 ng umaga.

Ayon kay Garcia, hindi niya alam kung hanggang kailan mananatiling sarado ang Payatas landfill hanggang sa mapagdesisyunan na ito ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) at ng iba pang ahensiya ng gobyerno.

“We at the MMDA have to follow DENR. We are still waiting for its go signal if the DENR will issue temporary permit,” ani Garcia.

Sinabi naman ng isang mataas na opisyal ng DENR, na ayaw pangalanan, na “urgent” na maglabas ng “unifying order” ang kagawaran, ang MMDA at ang Quezon City government kaugnay ng gagawin sa Payatas dumpsite, upang maiwasan ang inaasahang problema sa tatambakan ng basura ng Metro Manila.

Agosto 2 nang nagpalabas ang Environmental Management Bureau (EMB) ng DENR-National Capital Region ng temporary closure order para sa Payatas landfill habang sinusuri pa ang environmental compliance certificate ng operator ng tambakan, ang IPM Environmental Services Inc.

Nauna rito, ipinag-utos ng MMDA ang pansamantalang pagsasara sa Payatas landfill nitong Hulyo 27 kasunod ng ilang araw na pag-uulan na nagbunsod upang maging delikado ang tambakan para sa mga residente sa paligid nito. Hulyo 2001 nang gumuho ang tambakan dahil din sa pag-uulan.

Batay sa records, nasa 8,000 metriko tonelada ng basura ang nalilikha ng kabahayan at mga establisimyento sa Metro Manila kada araw.