Nina Leslie Ann G. Aquino at Mary Ann Santiago, May ulat ni Hannah L. Torregoza
Walang problema kay Commission on Elections (Comelec) Chairman Andres Bautista kung isailalim man siya sa lifestyle check.
“I have no problem with a lifestyle check on me...no problem whatsoever,” sinabi ni Bautista sa isang panayam. “[I am] always open to a lifestyle check.”

Kasunod ng alegasyon ng misis ni Bautista na si Patricia Paz Bautista na may aabot sa P1 bilyon nakaw na yaman ang asawa, sinabi nitong Lunes ni Senator Grace Poe na dapat na magkaroon ng lifestyle check sa matataas na opisyal ng Comelec.
Kaagad namang mariing itinanggi ng Comelec chairman ang nasabing mga alegasyon.
Sa kainitan ng kontrobersiya, hiniling ng poll watchdog na Kontra Daya na mag-leave muna si Bautista habang iniimbestigahan sa nasabing mga akusasyon.
GHOST EMPLOYEES
“The recent allegation of ill-gotten wealth by no less than his wife Patricia is worth investigating, especially in the performance of his job not just at the Comelecbut also at the Presidential Commission on Good Government (PCGG),” saad sa pahayag ng grupo.
Kaugnay nito, mariin ding itinanggi ni Bautista ang paratang ni Atty. Lorna Kapunan, legal adviser ni Patricia, na nagkaroon umano ng mga ghost employee sa PCGG noong ang una pa ang namumuno sa ahensiya.
Ayon kay Bautista, ang dalawang sinasabing ghost employee ay mga regular consultant ng PCGG noon at tumatanggap ng P25,000 buwanang kompensasyon.
Tungkol naman sa mga pay slip ng mga empleyado ng PCGG sa cabinet sa bahay ni Bautista, sinabi ng huli na posibleng nagamit lang niya ang pay envelope ng mga nasabing empleyado, at pinaglagyan niya ng pera.
REFERRAL FEE INAMIN
At bagamat inamin na tumatanggap siya ng referral fee mula sa Divina Law, nilinaw ni Bautista na hindi komisyon ang natanggap niya mula sa Divina Law kundi kabayaran para sa mga kliyenteng kanyang nai-refer sa law firm, na pawang pribadong kumpanya at wala aniyang kinalaman sa trabaho niya sa PCGG at Comelec.
Naniniwala siyang walang mali kung tumanggap siya ng referral fee basta wala itong kinalaman sa trabaho niya sa gobyerno, at nilinaw din na nagbayad siya ng kaukulang buwis para sa mga kinita niya sa referral fee.
Samantala, sinabi ng ilang senador, partikular ni Sen. Francis Escudero, na dapat na ang Senado ang mag-imbestiga sa mga alegasyon laban kay Bautista sa kabila ng posibilidad na mahaharap sa impeachment complaint ang opisyal.
Ito ay makaraang maghain ng resolusyon si Senate Majority Leader Vicente Sotto III para siyasatin ng Senado ang sinasabing ill-gotten wealth ng Comelec chief.