Ni: Jun Fabon
Diretso sa selda ang isang Koreano, pitong sangkot sa ilegal na droga, tatlong wanted at isang Akyat-Bahay member sa Quezon City, iniulat kahapon.
Sa ulat ni Quezon City Police District (QCPD) Director Chief Supt. Guillermo Lorenzo T. Eleazar, inaresto ng Batasan Police- Station 6 si Hyunsup Cahe, 41, Koreano ng Vista Real, Barangay Batasan, bandang 2:30 ng hapon.
Naiulat na binubugbog ni Cahe ang kanyang misis na si Rowena na nagkaroon ng contusion at hematoma, base sa medical certificate.
Samantala, inaresto naman ng mga operatiba ng Loma Police Station (PS-1), sa pamumuno ni Police Supt. Robert Sales, ang umano’y nagnakaw ng cell phone na si Joven Marasigan, 32, ng Gana Compound, Bgy. Unang Sigaw, dakong 6:30 ng gabi.
Sa pamamagitan ng arrest warrant sa paglabag sa RA 6539 (Anti-Carnapping Law), dinakma ng Masambong Police-Station 2 si Jomari Ballester, 24, sa Palawan St., Bgy. Sto Cristo, Bago Bantay, dakong 9:00 ng gabi.
Inaresto rin ng Talipapa Police-Station 3 si Jovimar Dulman, 32, ng Sauyo Road, nang dukutan si Sarah Jane Dioce, pasahero ng jeep, bandang 4:00 ng hapon. Hindi rin nakaligtas sa awtoridad si Mary Anne Capili, 36, ng Bgy. Baesa, na nahulihan ng pitong pakete ng umano’y shabu at drug paraphernalia, bandang 11:00 ng umaga.
Nalambat naman ng Batasan Police Station- Station 6 ang mag-amang sina Mario Tadefa, 49, at Romina Tadefa, 23, pati na si Marlyn Laquinta, 39, na pawang bumabatak sa Road 4, Sitio Kumunoy, Bgy. Bagong Silangan, dakong 7:00 ng gabi.
Dinampot din, sa pamamagitan ng warrant of arrest, ang akusado sa homicide na si Edmhon Facundo, 45, sa QC Hall of Justice, bandang 11:30 ng umaga.
Kasunod nito, dakong 10:30 ng gabi, inaresto sa buy-bust operation si Mary Jane Trinio, 21, sa Hillcrest St., cor E. Rodriguez Sr. Avenue, Bgy. Immaculate Concepcion.
At pinosasan ng mga tauhan ng Anonas Police-Station 9 si Austine Cariaso, 43, sa Aguila St., Project 3, dakong 10:00 ng gabi.