MISTULANG nakasanayan na natin ang pagpapaliban sa mahahalagang desisyon hanggang sa mga huling sandali nito. Ginawa na naman natin ito sa kaso ng barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections na itinakda sa Oktubre 23, 2017, ngunit nais ng mga opisyal ng administrasyon na muling ipagpaliban ito.

Sa unang bahagi pa lamang ng Marso — o limang buwan na ang nakalipas — sinabi ni Pangulong Duterte sa kanyang talumpati sa general assembly ng League of Municipalities of the Philippines, na nais niyang maipagpaliban ang barangay elections. Aniya, maraming nakaupong opisyal ng barangay ang nahalal dahil sa perang kinita sa droga at malaki ang posibilidad na muling mahalal ang mga ito sa kaparehong dahilan.

Tatlong kongresista ang kaagad na nagsipaghain ng panukala upang ipagpaliban ang halalan, ngunit nitong Lunes nagdaos ng all-party caucus ang pamunuan ng Kamara para talakayin ang tatlong panukala. Sa Senado, may matinding pagtutol sa planong muli ipagpaliban ang eleksiyon.

Dahil sa kawalan ng anumang matibay na aksiyon mula sa Kongreso, hindi magawang makapagplano nang maayos ng Commission on Elections para sa halalan. Ganito rin ang sinapit ng komisyon noong nakaraang taon. Matatandaang inaprubahan ng Kongreso ang batas sa pagpapaliban ng eleksiyon at nilagdaan ito ni Pangulong Duterte dalawang linggo bago ang itinakdang halalan noong Oktubre 31, 1016.

Noong 2016, malinaw na kinakailangang kanselahin ang halalan dahil sa “voter fatigue” — katatapos lamang noon ng presidential election — at para na rin makatipid ng P3.4 bilyon sa gastusin sa botohan. Ang panukalang muling ipagpaliban ang halalan ngayong taon ay may ibang dahilan — tungkol ito sa pangamba ng Pangulo na maaaring maimpluwensiyahan ng drug money ang magiging resulta ng eleksiyon. Sa halip, nais niyang magtalaga na lamang ng mga mamumuno sa bawat barangay.

Tinututulan ng maraming sektor ang pagpapaliban sa halalan. “Election is a must. In a democratic society, the people must choose their leaders,” sabi ni Ozamiz Archbishop Martin Jumoad. Pinapaboran naman ng National Citizens Movement for Free Elections (Namfrel) at Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) ang pagpapaliban ng halalan sa magugulong lugar lamang sa Mindanao. Partikular na kinuwestiyon ng mga taga-oposisyon na sina Reps. Edcel Lagman at Gary Alejano ang panukalang magtalaga ng mga acting barangay chairman. Giit nila, nakasaad sa Konstitusyon na ang mga opisyal ng barangay ay “local elective officials”.

May 75 araw pa ang ating mga kongresista at senador upang talakayin at pagdebatehan ang iba’t ibang usaping may kinalaman sa panukalang ipagpaliban sa ikalawang pagkakataon ang barangay at SK elections. Sa pagkakataong ito, may anggulo ng Konstitusyon na kakailanganin ng mas mahaba at mas matitinding diskusyon. Ngunit hindi na kailangang pagtagalin pa ito, gaya ng nangyari noong nakaraang taon.