NI: Mary Ann Santiago

Apat na lalaking pawang hinihinalang tulak ng ilegal na droga ang napatay, habang walong iba pa ang arestado sa buy-bust operation sa Quiapo, Maynila, kahapon ng madaling araw.

Kinilala ni Manila Police District (MPD) Director Police Chief Supt. Joel Napoleon Coronel ang mga napatay na sina Rickmark Barredo, 22, ng Castillejos Street; Antonio Sayno, 45, ng 14 Fraternal St.; Elizalde Villanueva, 46, ng Castillejos St., sa Quiapo; at Kenji Pineda, 26, ng 1351 Lardizabal St., Sampaloc, Maynila.

Sasampahan naman ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 sina Ofelia Gatdula, 59; Teresita Lalic, 63; Odranreb Upaga, 40; Alberto Cortez, 37; Mark Lalic, 19; Glomari Manansala, 18; Jomael Badtuan, 18; at Ernestor de Guzman, 18.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Sa ulat ng MPD-Station 3, ikinasa ang buy-bust operation sa bahay ni Sayno matapos na makatanggap ng impormasyon sa nagaganap na ilegal na aktibidad doon, dakong 12:30 ng madaling araw.

Habang inaaresto, nanlaban naman umano ang apat na suspek kaya napatay habang nadakip naman ang walo pa na nasa loob din ng bahay ni Sayno.

Nakumpiska mula sa mga napatay ang isang caliber .45 pistol, caliber .22 revolver, caliber .38 revolver, caliber .45 pistol at ilang pakete ng umano’y shabu na hindi pa batid ang timbang.

Nakuha naman mula sa mga naaresto ang pitong pakete ng umano’y shabu, tatlong pirasong nakarolyong aluminum foil na may bakas ng hinihinalang shabu, isang disposable lighter at isang walang lamang pakete.