Ni: Ben R. Rosario

Sa bisa ng ipinagkaloob na immunity at security protection, pinangalanan kahapon ng customs broker na si Mark Ruben Taguba ang walong katao, lima sa kanila ang incumbent officials ng Bureau of Customs (BoC), na umano’y nakikinabang sa perang padulas na kilala bilang “tara” para sa bawat container ng mga produkto na madaliang naipapasok sa bansa at nailalabas sa aduana.

Sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Kongreso sa P6.4 billion illegal drugs smuggling incident na isinasaga ng House Committee on Dangerous Drugs, positibong tinukoy ni Taguba ang diumano’y tumatanggap ng suhol na kasalukuyang naroroon sa pagdinig sa Batasan Pambansa complex kahapon.

Ikinumpisal ng testigo ang pagsasaayos niya ng pagpasok ng P6.4 billion shabu shipment sa bansa para sa Hongfei Logistics sa Valenzuela City.

Dumalo sa pagdinig ang retired professional basketball stars na sina Marlou Aquino, EJ Feihl at Kenneth Duremdez dahil sa imbitasyon sa kanila na bigyang liwanag ang mga ulat na sila ay nagtatrabaho para sa BOC bilang consultants.

Internasyonal

Xi Jinping, pabor ding mabuksan ang Strait of Hormuz!—Trump

Nang gisahin ni Majority Leader Rodolfo Farinas at Quezon City Rep. Winston Castelo, inamin ng tatlong dating Philippine Basketball Association stars na hindi sila nagsusumite ng reports para sa intelligence at iba pang opisyal na tungkulin na kaakibat ng kanilang mga posisyon bilang technical assistants.

Hindi nakadalo sa legislative proceedings si BOC Commissioner Nicanor Faeldon na inatasang magsumite sa House panel ng medical certificate bilang suporta sa kanyang kadahilanan.

Pinuna ni Deputy Speaker at Marikina City Rep. Miro Quimbo ang hindi pagdating ng dating miyembro ng Magdalo group na kilalang nag-alsa noong laban sa pamahalaan.

Humarap si BOC Chief of Staff Mandy Anderson sa mga mambabatas na mainitan ang naging pagtatanong sa kanya.

Bilang pagtalima sa order ni Deputy Speaker at Capiz Rep. Fredenil Castro na ituro ang BOC men na nasa listahang ipinasa niya, bagamat nag-aatubili, tinawag siya ni Castro bilang “hero”, tumayo at lumakad patungo kina Deputy Commissioner Teddy Raval, lawyer Vincent Philip Maronilla, Manila International Container Port collector; Director Neil Estrella ng BOC intelligence and investigation services; CIIS officer Teddy Sagaral, at Director Milo Maestrocampo ng Imports and Assessment Service.

Agad na pinasinungalingan ng BOC officials ang salaysay ni Taguba nang bigyan sila ng pagkakataon ng mga mambabatas upang tumugon sa akusasyon.

“I can probably a rebel but I am not a thief. I don’t get money from someone that I don’t deserve, I work for my own money,” sabi Maestrocampo, na isa sa military rebels na nagrebelde sa pamahalaan ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo.

“When I go back to the Bureau of Customs, I will step down from my appointed post,” sabi ni Maestrocampo at idinagdag na pumapayag siyang maimbestigan pa.

Tinukoy din ni Taguba ang isang Major Gutierrez, na pumanaw na; si Maita Acevedo at isang Jason na kasama sa mga custom personnel sa listahan na diumano’y tumatanggap ng suhol.

Pinagalanan din ang isang “Tita Nani” pero hindi kabilang sa lishan ang pangalan nito.

Isang nagngangalang Hernani Ong ang iimbitahan sa susunod na pagdinig upang malaman kung siya ang tinutukoy na Tita Nani ni Taguba, sabi ni Deputy Speaker Miro Quimbo.

Ayon kay Taguba, sa ilalim ng payola system, ang mga departamento sa BOC na tumatanggap ng suhol kada container ay ang mga sumusunod: Intelligence Group (IG) – P2,000; port collector- P3,000 per container; Customs Intelligence and Investigation Service director – P500; CIIS district director – P500; Enforcement and Security Service director- P500; Enforcement and Security Service (ESS) district director – P500 ; Import Assessment Service (IAS) – P10,000; X-ray unit of the BOC – P1,000; Pier Inspection Division (PID) – P200; Formal Entry Division (FED) – P500; and Assessment and Operations Coordinating Group- P1,000.