Ni: Marivic Awitan
NAGHAHANDA para sa malalaking torneo na kanyang nakatakdang sabakan sa ibang bansa, inangkin ni Grandmaster Joey Antonio ang titulo sa katatapos na 5th Chess Mates Rapid Open Tournament kamakailan sa Southgate Mall sa Makati City.
Winalis ni Antonio ang nakatunggali sa loob ng 7 round Swiss system tournament upang magkampeon sa torneo na itinaguyod ng Southgate Mall at inorganisa ng Chess Mates sa pangunguna ni Gracielle Macaspac.
Kabilang sa mga tinalo ni Antonio sina Anatoly Pascua Jr., Ricardo Batcho, Jerome Villanueva, Rolly Parondo Jr., IM Ronald Dableo, Sherwin Tiu at Floral Cruz.
“Magandang preparasyon ito para sa mga susunod na tournaments na sasalihan ko. Hopefully, magtuluy-tuloy, “ pahayag ng 55-anyos na si Antonio.
Ilan sa mga torneong pinaghahandaan ni Antonio katulong ang kanyang mga tagapagtaguyod na sina Col.Jim Santos at Atty. Coburn Anthony Orbe ng Alphaland ay ang KL Open sa Agosto 25 at ang Battle of the Grandmasters /National Open kung saan siya ang defending champion.
Bukod dito, nakatakda rin siyang lumahok sa Asian Seniors sa New Zealand sa Oktubre at World Seniors sa Italy sa Nobyembre.