Ni: Light A. Nolasco
GAPAN CITY, Nueva Ecija - Labis na ikinabahala ng mga residente sa Green Wood Subdivision sa Barangay Bayanihan sa Gapan City, Nueva Ecija, ang sunud-sunod na holdapan sa subdibisyon, makaraang isa pang nabiktima ang lumantad sa pulisya.
Kailan lamang nagkalakas-loob na magsumbong sa tanggapan ni Gapan City Police chief Supt. Peter Madria si Thelma Lamence Loutfi, 58, na nagsabing nilooban ang kanyang bahay nitong Hulyo 18 ng gabi.
Sinabi n Loutfi na natangay ng mga suspek ang pera at iba’t ibang gamit na may kabuuang halaga na P127,000.
Naglakas-loob lamang na magsumbong si Loutfi makaraang mabalita ang panloloob at pagnanakaw ng aabot sa P210,000 cash at gamit mula sa bahay ni Arnel Gayapa Lopez, 40, nitong Hulyo 30, sa loob ng subdibisyon.
Hulyo 31 naman nang holdapin ang mga bisita ni Rodel Galang, at natangay ang nasa P272,000 gamit at cash, sa bahay nito.