NI: Fer Taboy

Apat na pinaniniwalang holdaper ang napatay ng pulisya sa engkuwentro sa magkahiwalay na bayan sa Bulacan.

Dalawa sa mga suspek ang hindi pa nakikilala habang ang dalawa ay sina Aldrin Data, at Roberto Paragas, 33, kapwa residente ng Barangay Bagong Barrio, Caloocan City.

Ang dalawang hindi nakilalang suspek ay nasakote ng pulisya habang sakay sa motorsiklo sa Brgy. Santa Rosa 1 sa Marilao, habang nagsasagawa ng checkpoint.

Ayon pa sa Bulacan Police Provincial Office (BPPO), sa isang checkpoint din sa Brgy. Igulot sa Bocaue napatay sina Data at Paragas.

National

'Bakit kailangang madaliin?' Senate minority bloc, nagpaliwanag bakit nag-walk out!

Batay sa impormasyon, tinangkang sitahin ng mga pulis sa checkpoint sina Data at Paragas habang lulan sa motorsiklo.

Ngunit sa halip na huminto ay pinaputukan umano ng dalawa ang mga nagpapatrolyang pulis, na gumanti ng putok at tinamaan sina Data at Paragas.

Sinasabing hinoldap ng dalawang suspek ang negosyanteng si Robejon Fiestas sa Brgy. Igulot.

Narekober sa apat na suspek ang isang .22 caliber revolver, tatlong .38 caliber revolver, apat na plastic sachet ng hinihinalang shabu, dalawang motorsiklo na walang plaka, at mga personal na gamit.